Advertisers
NALAGAY sa alanganin si Quezon City 2nd District Congresswoman Precious Hipolito-Castelo nang mahigit isang libong benepisyaryo ng TUPAD program ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang nagreklamo nitong Huwebes sa Barangay Holy Spirit dahil kulang ang kanilang natanggap na halaga ng ayuda ng mahigit P5,000.
Reklamo ng mga tao, sabi ng barangay employee na si Carol Can, isa sa mga benepisyaryo ay makatatanggap dapat ng ayuda mula sa TUPAD program ng DOLE ng P7,518. Ngunit ito ay binawasan ng P5,518, at ang natira nalang sa kanya ay P2,000.
Reklamo rin ng nakatanggap na residenteng si Anniecris Celestino, P2,000 lang ang kanyang nakuha dahil ibinawas na ng mga “staff” ng kongresista ang mahigit limang libong piso.
Sa nilalaman ng kanilang nagkakaisang mga pahayag, maraming beses anilang nagpatawag ng miting ang kampo ni Congresswoman Precious Hipolito-Castelo para sa pamimigay ng ayuda ng DOLE, ng mga nakalipas na buwan ng Mayo hanggang Hulyo at nailista sila bilang mga TUPAD program beneficiary ng DOLE sa distrito.
Ngunit sa pagtawag muli sa kanila nang dumating na ang ayuda, ang mga staff ng kongresista ay naka-abang na sa mga remittance service center upang ibawas ang malaking halaga.
Agad namang nagpahayag ang kampo ni Congw. Castelo sa pamamagitan ni Atty. Joey Boy Blando, na bagama’t inaamin nitong empleyado nila ang isang Jackie Sales, isa sa pinangalanan ng mga nagrereklamo na kumaltas sa kanilang mga dapat na makuhang ayuda, agad nila itong tatanggalin sa pwesto sakaling mapatunayan ang mga alegasyon sa kanilang masusing imbestigasyon na gagawin.
Sabi ni Atty. Blando, hindi kukunsintihin ng mga Castelo ang anumang mali lalo na sa pagtulong sa taumbayan sa gitna ng paghihirap dahil sa nararanasang pandemya.
Si Congw. Castelo ay asawa ni dating Cong. Winnie Castelo na ngayon ay konsehal muli ng distrito.
Ang TUPAD program ng DOLE o Tulong Pangkabuhayan sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers ay ayuda sa mga manggagawang nawalan ng pagkakakitaan dahil sa epekto ng Covid-19 pandemic.