Advertisers
HANDANG harapin ni Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy ang kaso na isasampa laban sa kanya ni Senador Manny Pacquiao.
Hinamon pa ni Quiboloy si Pacquiao sa isang debate na may kaugnayan sa kuwestiyonableng proyekto sa Sarangani na nagkakahalaga umano ng mahigit sa P3 bilyon.
Una nang sinabi ni Pacquiao na sasampahan niya ng kaso si Pastor Quiboloy kasabay nang pagtawag nito rito bilang pekeng pastor.
Sinabi ni Quiboloy, naiintindihan niya ang sunod-sunod na pagkatalo ni Pacquiao na isa umanong “karma” sa opisyal.
Pahayag ni Quiboloy, na bilang isang opisyal sa gobyerno dapat din umanong sagutin ni Sen. Pacquiao ang mga tanong sa kanya na may kaugnayan sa interes ng publiko sa halip ay aatakehin siya ng personal ng opisyal.
Dagdag pa ng pastor, pipili lamang si Pacquiao ng lugar kung saan sila magdedebate at pag-uusapan nila ang tatlong isyu na kinabibilangan ng maanomalyang proyekto sa Sarangani kung saan siya umano ang author.
Dapat din daw patunayan ni Sen. Pacquiao na hindi siya sinungaling at ang pagtawag sa kanya na pekeng pastor.
Marami na umanong kaso na hinarap si Pastor Quiboloy sa mahigit na 30 taon kabilang na ang mga reklamo sa labas ng bansa ngunit lahat umano nito ay kanyang napanalunan.
Kung maalala, kilala si Pastor Quiboloy na isa sa malapit na kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Una nang bumwelta si Pacquiao kay Quiboloy dahil umano sa alegasyon na walang katotohanan.