Advertisers
Dumayo pa ang limang menor de edad para magnakaw sa isang apartment upang may panggastos sa inuman sa Dagupan CIty, Pangasinan.
Sa ulat. naganap ang nakawan sa pinapaupahang apartment ni Grace Camagay sa Barangay Tapuac sa Dagupan City.
Walang tao sa bahay nang mangyari ang insidente.
Sa kuha ng CCTV camera, nakita ang limang kabataan na lumabas mula sa apartment na dala ang mga ninakaw na gamit.
Kabilang dito ang isang laptop, dalawang mamahaling cellphone at mga barya na aabot sa P30,000.
Nahuli naman ang mga kawatan at inamin sa barangay ang ginawang pagnanakaw.
Nagawa raw ng mga menor de edad na taga-Calasiao, ang magnakaw para mayroon silang panggatos sa inuman.
Hindi na nagsampa ng kaso ang biktima dahil nangako ang mga suspek na ibabalik ang mga ninakaw na gamit.