Advertisers

Advertisers

Yorme Isko, The ‘Healing President’ ang kailangan

0 622

Advertisers

HUSTISYA at pagpapairal ng patas na batas.

Ito ang magiging pundasyon at katatagan ng gobyernong itatayo ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kung siya ang mananalong Pangulo sa darating na eleksiyon sa Mayo 2022.

“I would be a healing president,” sabi ng 47-anyos na alkalde sa isang okasyon sa Baseco Housing District nitong Miyerkoles (September 22).



Ganyang Pangulo ang kailangan natin ngayon – isang Ama ng Bansa na pagkakaisahin, pagbubuklurin niya sa iisang diwa at puso ang bansa, at sisikapin niyang mapagaling at mapaghilom ang mga sugat ng politikang mapanakit at mapaghiganti.

Si Dr. Willie Ong, ang mahusay na medical vlogger ang pinili ni Yorme Isko na maging katiket niya bilang vice president sa ilalim ng bandila ng Aksiyon Demokratiko.



Handa siyang makatrabaho ang kahit sino na handang makipagkaisa sa pagtatatag ng isang bansa may iisang layuning mapagkaisa ang bansa.

Magiging bukas siya sa lahat, at ang sinoman ay malayang magbigay ng kanilang mga mungkahi, at lagi siya na handang makinig sa lahat ng sektor.



Siya ay magiging bukas sa lahat ng kritisismo.

Handa siya, sabi ni Yorme sa mga kritisismo at sasangguni sa bayan sa pagbalangkas ng mga polisiya at programa upang mas mapabuti ang serbisyong totoo sa mamamayang Filipino.

Uunahin niya ang paglutas sa ekonomya na sinira ng pandemyang COVID-19 at mabigyan ng trabaho at ikabubuhay ang dumaranas ng hirap at bibigyang pag-asa ang mamamayan na makabangon sa kahirapan.

Hindi siya mangangako, sabi ni Yorme Kois, ng mga bagay na hindi niya kayang tuparin.

Lahat ay kasama, lahat ay kasali sa kanyang itatayong pamahalaan.

Ang Malakanyang, kung siya na ang Pangulo, ay magiging Palasyo ng mamamayang Filipino, sabi ni Yorme Isko.

Tulad nga niya ang karapatdapat na maging Pangulo.

Kaya ang hikayat ni Yorme Isko ay samahan siya dahil, “kayo po ang panalo sa gobyerno ko.”

***

Mukhang bigo ang Office of the Ombudsman na usigin at maparusahan ang mga kasong bilyongpisong katiwalian na kasangkot ang makapangyarihan at maiimpluwensiyang personalidad; at ang kayabangan nito at walang paggalang at pagsuway sa tagubilin ng Supreme Court at sa rekomendasyon ng Senate na kasuhan at parusahan ang mga tao na napatunayan sa kanilang imbestigasyon na malaki ang posibilidad na gumawa nga ng katiwalian at walang takot na paglustay sa pera ng bayan.

Sabi nga ng isang manunulat: “Corruption is a shameful legacy President Rodrigo Roa Duterte may not want to leave, but it is there. Only his scheduled departure from office offers hope to those who desire clean and honest government.”

Ngayong malapit na ang halalan sa Mayo 2022, may mga naglabasan na namang mga survey na ang iboboto umano ng taumbayan ay ang mga kandidatong may malinis na record at pinaniniwalaang hindi corrupt. Sampung porsiyento umano ang iboboto ang kandidatong may karanasan sa paglilingkod sa bayan, at 27 porsiyento ang iboboto ay ang mga kandidatong “makamahirap.”

Nais nating lahat ay isang malinis at matapat na pagmamahal, at ito ay dapat na mismong magmula sa taong may kapangyarihang gawin ito – tulad ng Pangulo, Senador, Kongresista, mga Hukom, Gobernador, Mayor, at iba pang ahensiya ng pamahalaan.

At higit ang Office of the President at Office of the Ombudsman, at ang Office of the Sandiganbayan, magkusang iwasiwas ang tabak ng katarungan sa pagpugot sa mga ulong tiwali.

Paano kung ang may hawak ng tabak ang Numero Unong Tiwali o unang-unang corrupt?

***

Palpak ang programa ng bansa sa produksiyon ng pagkain at nakabatay sa importasyon ang solusyon ng pamahalaan.

Kung tama lamang ang mga ginagawang trabaho, ginamit ng tama ang pondo at hindi kurakot ang mga nasa Department of Agriculture, marahil matatag ang bansa sa larangan ng pagkain.

Nauwi sa bulsa ng marami ang pondo at ang tumaba lamang ay ang bulsa ng iilan na nasa itaas.

Nasa huling buwan na lamang ang Pangulong Digong at ngayon na bilyon-bilyong piso ang winasak sa mga ari-arian, mga pananim na pagkain, paano ito matutugunan ng mga opisyal ng bansa sa umiiral na kagutuman?

Importasyon ba at saan kukuhanin ang salaping ibibili ng pagkain sa ibang bansa?

Lubog na sa utang ang mga Pinoy, pagkaing isusubo ba ay uutangin pa uli?

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.