Advertisers
INIANUNSYO ng pamunuan ng PNP Region 4A ang panibagong pag-aresto sa mga suspek kaugnay sa pinag-ibayong kampanya laban sa sugal at droga sa naturang rehiyon.
Muling sinalakay ng magkasanib na lakas ng PNP Region 4A Special Operation Unit (RSOU) sa pangunguna ni P/Lt Jocel A. Calvario at Batangas Provincial Intelligence Branch sa ilalim ni P/Major. Neil Gaspar ang bayan ng Padre Garcia, Batangas noong Oktubre 12, 2021 kung saan nakaaresto ang mga ito ng may tatlo katao habang nangongolekta ng taya sa kunyari ay lehitimong Philippine Charity Sweeptakes Office (PCSO) sponsored- Small Town Lottery ( STL).
Sa pagkaaresto sa mga kubrador na sina Romeo Delmundo, Rodel Delmundo at Christian Evangelista ay nadiskubreng may bookies operation pa rin pala sa Brgy. Castillo at Brgy. San Miguel, kapwa sa Padre Garcia na inooperate ng magkasosyong alias Rayner at isang alias Marlon.
Liban sa sinalakay na rebisahan ng jueteng sa Brgy. Castillo ng nasabing bayan ay may magkahiwalay din na safehouses sina alias Rayner at alias Marlon sa Villa San Miguel Subdivision sa Brgy. San Miguel, sa nabanggit ding munisipalidad.
Sa atas ni PNP Region 4A Director, PBG Eliseo DC Cruz ay sinalakay na ng kapulisan kamakailan ang mga natukoy na lungga ng mga “nagpapaihi” ng taya ng STL maging sa Tanauan City, syudad ng Sto Tomas at mga bayan ng Padre Garcia, Malvar at Cuenca.
Sa halip na iremit sa PCSO branches, ay sa mga operator ng jueteng isinusulit ng mga kabo at kubrador ang kanilang 80 percent na kubransa para sa jueteng at ang kakatiting na 20 percent lamang ang inereremit para bolahin sa loterya sa tanggapan ng PCSO- STL.
May humigit-kumulang na sa 20 jueteng kabo at kolektor na ang nadakip at pawang naipagharap na ng pulisya ng kasong paglabag sa R.A 9287 ( STL bookies) sa mga tanggapan ng ng Prosecutors sa lalawigan ng Batangas.
Maraming pangalan ng mga gambling maintainers ang napalutang nina General Cruz at Batangas PNP Provincial Director P/Col. Glicerio Cansilao resulta ng serye ng mga raid na isinagawa ng kanilang mga tauhan.
Kabilang sa matutunog na pangalan ng mga gambling operator ay sina alias Ocampo na operator ng jueteng sa pito sa 13 barangay ng bayan ng Balete alias Roceo at Acebo ng Ibaan at alias Kap Bening at alias Boyet de Castro ng Batangas City, pawang sa Probinsya ng Batangas.
Tiniyak nina RD Cruz at PD Cansilao na matutumbok din ng kanilang kapulisan ang jueteng operation ng isang alias Reyes na tinataguriang “Bookies King” ng Batangas.
Kung tutuusin si alias Reyes ang itinuturong nagmamaniobra ng lahat na bookies operation sa may 30 mga bayan at apat na siyudad sa Batangas, ngunit nagagagamit nitong front ang operasyon ng kontrobersyal na Batangas Enhanced Technology System, Inc (BETSI) Small Town Lottery operation.
May mga ulat na may mga rebisahan at safehouses ang mga nabanggit ding gambling operator na gamit ding salyahan ng shabu.
Tama lamang na huwag nang tigilan nina Gen Cruz at Col. Cansilao ang police operation laban sa mga naturang gambling con drug maintainers hanggang di nakapangangayupapa ang mababangis at walang takot na drug/gambling operator na sina Reyes, Ocampo, Rayner, Marlon, Roceo, Acebo, alias Kap Bening at De Castro.
Nasabi nating mababangis at walang takot at pangingimi ang mga nasabing iligalista pagkat kahit na batid ng mga itong matindi ang utos nina RD Cruz at PD Cansilao na itigil na supilin ang operasyon ng sugal at kalakalan ng droga ay tila naghahamon pa din swa mga alagad ng batas ang mga naturang iligalista.
Hindi nakapagtataka kung sibakin nina RD Cruz at PD Cansilao sa kanilang mga puwesto ang mga tatamad-tamad sa pwesto nitong hepe ng kapulisan.
In fairness naman kay Balete Police Station Commander, P/Capt Ricky Gonzales ay tiniyak nitong aaksyunan si alias Ocampo sa naturang bayan.
“Ipapa-validate ko po ang impormasyon tungkol sa operasyon ni Ocampo, ipaaaresto at ipakukulong dito sa bayan ng Balete ang mga taong kasangkot niya sa iligal na pasugal at droga”, ang pagtiyak sa inyong lingkod sa aming pag-uusap sa pamamagitan ng cellular phone nito lamang October 15.
Katwiran pa ni Capt. Gonzales, halos isang buwan pa lang na kauupo nito bilang hepe ng kapulisan ng Balete.
Dehadong-dehado talaga ang mga naghihikahos nating mga kababayan na napagkakaitan ng tulong medikal at pinansyal ng PCSO dahilan sa malawakang nakawan sa kubransa ng STL sa mga lalawigang umaandar ang operasyon ng kontrobersyal na PCSO sponsored STL.
GOOD WORK, BATANGAS PD CANSILAO, MAJOR GASPAR!
KUNG ang impresyon ng ating mga mambabasa ay fault finder ang SIKRETA ay nagkakamali po kayo… Pinapupurihan din natin ang mga karapat-dapat na bigyang pugay lalo ang mga hanay ng public servant.
Kaya naman binabati natin sina Batangas Provincial Director, P/Col. Glicerio Cansilao at Intelligence and Investigation Branch Chief, P/Major Niel Gaspar dahil sa pagkakaaresto sa lider ng Andal Gun-For -Hire and Crime Group.
Ang 54-anyos na si Sulpicio B. Andal ng Brgy. Maugat West, ng bayan ng Padre Garcia, Batangas ay nahulihan din ng isang di lisensyadong kalibre 45 Colt Government Model, mga magazine at bala ng kaparehong kalibre nang salakayin sa bisa ng search warrant ang kanyang bahay.Kinasuhan na ito ng Violation of RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Ang tulad nina Col. Cansilao at Major Gaspar ang kailangan nina PNP Director General Guillermo T. Eleazar, Region 4A PNP Dir., PBG Eliseo DC Cruz at ng pamunuan ng Pambansang Kapulisan sa kabuuan!
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com