Advertisers

Advertisers

Matapos ang pagdeklara na tatakbong Pangulo: Isko inatake sa pagiging mahirap

0 242

Advertisers

IBINUNYAG ni Aksyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno na matapos siyang magdeklara ng kanyang kandidatura sa pagkapangulo ng bansa sa 2022 elections, ay maraming masasakit na salita ang ibinato sa kanya at pinulaan pa ang kanyang pinagmulang kahirapan.

“May ilan na di matanggap na basurero lang ang mamumuno sa kanila. Sila ang mga pinagpalang may gintong kutsara sa bibig… sila ang magaling at may mataas na moral ascendancy kaysa sa iba kaya di nila matanggap,” buntunghininga ni Moreno sa kanyang pagbisita sa Lipa City , Batangas nitong weekend.

Aminado si Moreno na nasasaktan siya hanggang ngayon, lalo na sa mga mayayaman na patuloy na pinalalaki ang puwang sa pagitan ng mahihirap at mayayaman at sa patuloy na pagkakait ng mabigyan ang mga nasa mahihirap na sektor ng pantay na pagkakataon na makapaglingkod sa bayan bilang pinakamataas na opisyal ng bansa.



“”Marami nagsalita sa akin, hindi ninyo malalamon…lahat ng masasakit nasabi na sa akin. Kahapon lamang, tinawag pa akong porno star. Di naman, ST (sex trip movies) lang. Akalain mo, pati brief ko?” pahayag ni Moreno sa kanyang madamdaming talumpati sa harapan ng mga opisyal ng Lipa.

Idinagdag pa nito na. “Totoo po masakit eh. Para bang pag mahirap ka, wala ka nang karapatang umangat dahil di ka katanggap- tanggap sa kanila…. mga moralista, mga disente— disente kuno. Pag di ka sumang-ayon sa kanila, sa impiyerno ka mapupunta. Wala na ba kaming karapatang magbago ang buhay? Gusto niyo na lang ba kaming turuan araw-araw para kayong mga puppeteers kami yung mga puppet?”



Binigyang diin ng alkalde na sa loob ng 30 taon, ang eksena sa politika sa bansa ay nadomina ng dalawang magkalabang angkan na wala namang nagawang mabuti sa bansa. Ang tinutukoy ni Moreno ay ang labanan ng mga Aquino at Marcos .

Matatandaan na sinabi ni Vice President Leni Robredo na kilalang malapit sa mga Aquino na ang kanyang paninindigan laban sa mga Marcoses ay non-negotiable at ito rin ang dahilan kung bakit siya tatakbo sa pagka-Pangulo ng bansa . Hindi rin nagtagumpay ang kanyang unity talks kay Moreno.



Nang tanungin si Moreno sa kanyang komento tungkol sa sinabi ng Bise Presidente ay tinuligsa na ng mga tagasuporta ni Robredo si Moreno.

“Kaming galing sa wala na nagsumikap, me karapatan din kaming ipagtanggol ang aming dignidad. It doesn’t mean pag sumagot, bastos na agad? Matapobre tawag dun. Kung me na-offend, I’m sorry. Di ako anghel, di ako perpekto but everyone who is being asked and accused must answer. Di porke mahirap kami, pag sumagot kami bastos na. But that is water under the bridge, move on na,” sabi ni Moreno.

Binigyang linaw ni Moreno at sinabi na kaya siya ay tatakbo hindi upang maghiganti sa kahit na kanino o sa alinmang pamilyang politikal kundi mag-alok ng pag-asa upang magkaroon ng magandang buhay, dahil naniniwala siya na ang lahat ng ginawa niya sa Maynila ay maaari ding gawin sa Pilipinas.

Sinabi pa ng alkalde na ang kanyang buhay ay bukas na aklat at hindi niya ikinahihiya kailanman ang pagiging basurero at pagiging squatter sa Tondo, dahil aniya ginamit niya ang lahat ng ito at pati ang kanyang mga karanasan sa buhay upang magsumikap at magtagumpay sa buhay nang walang katulong na miyembro ng pamilya na may mataas na katungkulan sa gobyerno.

Umaasa si Moreno na ang kanyang buhay ay magbigay inspirasyon sa mga mahihirap at makita ng mga ito kung paano siya naging matagumpay ay magagawa rin nila.

Nauna rito ay inatake rin ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte at tinawag na ‘callboy’ si Moreno. Tinuligsa rin nito ang pagsusuot ng brief ng alkalde sa pelikula. (ANDI GARCI)