Advertisers
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Hindi pa ganap ang pag-ibig ng sinumang natatakot, sapagkat ang takot ay kaugnay ng parusa…” (1 Juan 4:18, Ang Tanging Daan Bibliya).
-ooo-
MGA KASALUKUYANG KANDIDATO SA PAGKA-PRESIDENTE SA HALALAN 2022, NATITIYOPE AT NABABAHAG ANG MGA BUNTOT SA POSIBLENG SARA DUTERTE SUBSTITUTION SA NOBYEMBRE 15: Natitiyope o nababahag ang buntot. Ito ang pagsasalarawan noong Oktubre 14, 2021 sa mga pagkilos ng ilang mga kandidato o ng kanilang mga partido, o mga grupo, upang kuwestiyunin ang batas na nagpapahintulot sa tinaguriang “substitution of candidates” o pagpapalit ng mga kandidato kahit tapos na ang pagsusumite ng mga “certificates of candidacy” para sa Halalan 2022.
Ang mga pagkuwestiyon na ito ay nagpapakita ng malaking takot ng mga kumakandidato sa Halalan 2022, partikular sa posisyon ng pagka-presidente ng bansa. Ang kanilang kinatatakutan ay ang inaasahan nilang substitution ng kandidato sa pagka-pangulo ng PDP Laban Al Cusi wing, mula kay Sen. Ronald Bato Dela Rosa, patungo kay Davao City Mayor Sara Duterte, pagdating ng huling araw ng substitution para sa Halalan 2022.
Inaasahan na kasi ng marami na sa kabila ng mga pagtanggi ni Mayor Sara, at, nitong mga huling araw, ng pagtanggi na din ng kaniyang ama, si Pangulong Duterte, na ang alkalde ay kakandidato sa pagka-pangulo sa Halalan 2022 sa pamamagitan ng kaniyang substitution sa Nobyembre 15 kay Senador Dela Rosa.
Ito kasi ang naging taktika o istratehiya ng Pangulong Duterte noong 2016 presidential elections. Nagpaka-tanggi-tanggi ang noon ay Davao City Mayor Digong na tatakbo sa halalan noon bilang pangulo, subalit nakita natin ang mga pagkilos sa likod ng eksena kumbaga ng kaniyang mga galamay, bilang paghahanda.
-ooo-
SUBSTITUTION OF CANDIDATES SA MGA HALALAN, NOON PANG DEKADA 1940s: Sa ngayon, nakikita din natin ang masinsinang paghahanda ng mga nagtataguyod ng kandidatura ni Mayor Sara, partikular ang grupong “Run Sara Run”. Sa mata ng mga dalubhasa, kakatwa, at tunay na nagbabadya lamang ng pagkatakot, ang kasalukuyang mga pagkuwestiyon sa reglamento sa “substitution of candidates”.
Ang ganitong reglamento ay nasa Omnibus Election Code na, noon pang December 03, 1985, noong ipasa ito ng mga kongresista at mga senador noong panahong iyon, at lagdaan ng Pangulong Marcos.
Ang batas na ito sa Omnibus Election Code ay nakita na din sa unang Revised Election Code of 1940s, at maging ng Election Code noong 1978. Kapuna-puna, na sa mga kumukuwestiyon ngayon sa batas ng “substitution of candidates”, wala silang ginawang pagkuwestiyon sa mga naunang batas na may ganoon ding probisyon o bahagi.
Walang pagtutol na narinig sa nasabing alituntunin ng “substitution of candidates” ang mga nagsusulong ngayon ng pag-amiyenda ng kasalukuyang batas tungkol dito. Ngayon lamang sila nag-iingay sa substitution of candidates, dahil alam nila na sobrang lakas kasi ni Sara sa mga surveys ngayon, maging sa survey ng mga nasa oposisyon.
-ooo-
MGA GRUPONG MAKA-SARA DUTERTE, PUKPUKAN PA DIN SA PAGHAHANDA SA KANIYANG PAGTAKBO BILANG PANGULO: Sa isyung ito, mukhang may punto ang pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque: “Hindi ko alam kung saan ang pang-aabuso (sa substitution of candidates) kasi wala pa namang nagsa-substitute, so siguro po magkakaroon tayo ng conclusion kung meron ngang nag-substitute… So sa ngayon po wala pa namang kahit sinong nagsa-substitute, premature po para sabihing inaabuso…”
Noong Miyerkules, nagsumite si Cagayan de Oro City Representative Rufus Rodriguez ng House Bill No. 10380, upang ipagbawal na ang anumang partido na mag-substitution of candidates, puwera na lamang kung ang kandidatong papalitan ay mamamatay o madi-disqualify.
Ayon kay Rodriguez, isang dating law dean ng San Sebastian College Law Institute, ipinapanukala niyang ipagbawal na ang substitution kung ang kandidato ay mag-uurong ng kaniyang kandidatura, sa anupamang dahilan. Naabuso kasi ito, dagdag pa ni Rodriguez.
-ooo-
MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.