Advertisers
MAHUSAY na pamamahala, naaayon sa batas ang lahat ng pagkilos at para sa lahat ang kaunlarang isusulong. Ilan lamang yan sa ating mga hahanapin na mga plataporma o katangian ng bawat kandidato sa darating na halalan para sa nasyunal at lokal na mga posisyon sa pamahalaan.
Ngunit tila isang malaking parada lamang o sabihin na nating circus, palabas, zarzuela o kahit na anong gusto itawag pa dito ang eleksiyon na darating. Bakit ko nasabi? Ang kahirapan na marahil na dala ng pandemiya ang dahilan.
Kasi naman kapansin-pansin na mas marami ang mga sumasali o gustong maging pulitikong mga artista, atleta, atbp.,para kumandidato ngayong panahon na ito para sa darating na halalan. Wala na nga sigurong magawang pelikula at wala na ring mga sikat na liga o palakasang programa na masalihan, kaya’t gagamitin na lang ang kasikatan sa pulitika.
Nasubukan na natin ang mga ganyang klase ng mga tao. May nangyari ba o may nagawa, nang maiboto sila ng mga kababayan nating madaling masilaw ng kasikatan ng isang artista o atleta? Ano ang mga nagawa ng mga nasubukan nating mga taong ganito?
Wala di ba? Parang mga kabute na biglang nagsusulputan na naman ngayon ang mga ito. May isa nga sa kanila, kumedyanteng naging konsehal sa Quezon City matapos maging Vice Mayor ng Paranaque, ngayon ay pagka-kongresista naman ng Cam Sur ang tatargetin. Sus Mio Santisima! Doon nga sa dalawang posisyong nahawakan nang mahalal siya dahil sa kasikatan ay wala namang nagawa ang ogag na ito, kung di magpatawa lang din naman. Masaklap may iskandalo pang nakasangkutan dahil sa mga katawa-tawang mga proyekto.
Ganyan din ba ang gugustuhin na naman natin na mamahala ng ating pamahalaan? Nasyunal o lokal level lang? Iboboto bilang mambabatas o maging pangulo pa ng ating bansa. Aba! Maawa naman kayo sa ating inang bayan at sa ating mga kapwa kababayan.
Hindi isang ‘zarzuela’ ang mundo ng pulitika o sabihin na nating serbisyo publiko. Kailangan nga natin ay di lamang pulitiko, kung di mga matitino at may intigridad na tulad natin ay may malasakit sa kapwa at bayan. May tapang na humarap sa mga pagsusubok na hinaharap ng bansa.
Kung ang mga posisyong lingkod bayan ay pupunuan lamang natin ng mga artista o mga atleta aymgumawa na lang tayo ng pelikula o zarzuela na lahat ay pwedeng maging bida. Kapakanan ng bawat Filipino ang nakasalalay dito.
Kaya makikiusap ako sa inyo, mag-isip kayo ng tama sa inyong mga iboboto.