Advertisers

Advertisers

Si Isko na nga kaya ang itinakda sa Palasyo?

0 508

Advertisers

PORKE ba galing sa hirap, malaya na silang mang-insulto?

Naitanong ito dahil sa kumalat na panawagang umatras na, mag-withdraw na si Manila Mayor Isko Moreno sa kandidatura para presidente sa May 2022 elections?

Ano ba ang tingin nila kay Yorme Isko, madaling takutin, madaling sumuko at walang karapatang tumakbo.



Hindi kilala ng mga nagpakana ng panawagang umatras si Isko kung sino ba siya talaga?

Ang panawagang ay isang masaklap na pag-amin: takot na takot sila sa nararamdamang pagkatalo ng kanilang mga ‘manok,’ at ang pangambang ang iniinsultong si Yorme Isko nga ang manalong Pangulo sa eleksiyong darating sa Mayo 2022.

Para sa mga di-pa-kilala si Yorme, mabuti siya ay ating kilalanin.

Kung malas sa iba ang maging basurero, hindi iyon para sa noon ay batang si Francisco Domagoso.

Madalas niyang sinasabi, tinuruan siya ng kahirapan ng tapang para lumaban at umangat sa buhay, at hindi niya ikinahihiya, hanggang ngayon, namumulot at nagtatapon pa rin siya ng mga “basura ng lipunan.”



Boyish ang alkalde ng Maynila na magdiriwang ng 47th birthday sa Oktubre 24, karismatiko, guwapo at magaling makipagkapwa at makipag-usap at ang kanyang kuwento ng pagbangon mula sa hirap, pagsikat at kakayahang maabot ang pangarap ay isang tunay na lawaran ng inspirasyon at pag-asa sa mamamayang Pilipino.

Yorme Isko is eloquent: maliwanag kung magsalita at mahusay sa paggamit ng mga wikang abot na abot sa sentido kumon ng mga kausap; madali siyang maintindihan, deretso sa pangungusap at madaling mapaniwalaan ang mga sinasalita.

Ah, kung ngayon gaganapin ang presidential debate, sabi nga ng tagahanga niya, “lalamunin niya ng buo ang mga kadebateng kandidato sa pagka-pangulo.

Mas eloquent si Isko kaysa abogadong si Leni Robredo, o sa pautal-utal na bibig ni Manny Paquiao, o kahit sina Bongbong Marcos at Ping Lacson, hindi-hindi sila makalalamang sa mainit na talakayan sa mga isyung bayan.

Sa itsura, sa likas na itsurang laging goli kaya pogi, kaya mas angat si Yorme Isko sa karakter at personalidad, kumpara sa mga katunggali sa karera sa Malakanyang.

Darling nga si Isko ng masang Pilipino.

***

Malinaw ang kanyang mabisang gayuma sa masa kung ang batayan ay ang politika ng Maynila sa eleksiyon noong 2019.

Nanalong alkalde si Isko sa nasungkit na 50.44% ng boto na katumbas ng 369,926 laban kina dating Mayor Erap Estrada na kumabig ng 29.67% o 210,605 at dati ring Mayor Alfredo Lim na kumurot ng 19.57% o 138,923 boto.

Ito ay sa kabila na mas matunog at mas malakas ang dating namuno sa Manila City Hall.

Akala ay pipitsugin ang uhuging batang basurero sa maliit niyang lokal na partidong Asenso Manileno, at sino ang mag-aakalang tatalunin niya si Lim na kandidatong opisyal ng PDP-Laban, at kandidato ng Malakanyang.

Lalong namangha ang marami nang maagaw niya ang karisma ng dating Pangulo, dating alkalde at dating action hero na si Erap.

Sa karera sa pagka bise alkalde noong 2013, kumabig ng 373,320 boto o 62.59% si Domagoso laban sa pambato ng Liberal Party na si Lou Veloso na katiket ni Lim na kumuha lamang ng 222,933 boto o 37.41%.

Si Isko rin ang nangibabaw sa pagka-bise noong 2010 laban kay Bonjay Isip.

Matagumpay ring nanalo ng tatlong sunod na termino si Moreno bilang konsehal noong 1998, 2001, at 2004.

Lumasap siya ng talo nang tumakbong senador, pero iyon ay lalong nagpatibay kay Isko at sabi nga niya, hindi dapat maging ‘ampalaya’ sa politika, at birong totoo na mahilig siyang kumain ng gulay na ampalaya na pampasigla ng katawan laban sa sakit at diabetis.

***

Dukha nga siya sa pagkabata pero inarmasan ni Yorme Isko ang sarili ng aral sa buhay-kalye at karunungang mula sa paaralan.

Uhaw na uhaw siya lagi sa pagkatuto: nag-aral siya ng short courses sa Harvard University’s John F. Kennedy School of Government; sa Oxford University, nag-aral siya sa Said Business School, at patuloy siya sa pagtuklas ng karunungan at karanasan bilang lingkod-bayan.

Hindi pa man totoong nag-uumpisa ang tunay na kampanyahan, kabi-kabila na ang mga bira at pagsasaboy ng putik sa batang Tundo.

Sekretong kandidato raw siya ni Presidente Rodrigo Roa Duterte na hindi totoo.

Inaakusahang lihim na kaalyado ni Joma Sison ng komunistang grupo kaya kung kantyawan siya, siya raw ay si “IsKomunista”at “si “Jomagoso” na malinaw na paghamak sa husay ng pagpili ng mga botanteng alam ang katotohanang wala ni kapirasong kaugnayan si Yorme Isko sa mga terrorista.

Kulang lang ay isaboy kay Isko ang burak at dumi ng kubeta upang parumihin ang malinis na pangalan niya sa mata ng mapanuring botanteng Pilipino.

Ang totoo, umaani ng maraming paghanga at marahil ng mga boto ang inspirasyon sa buhay ng basurerong si Francisco Domagoso.

Humuhugot ng pag-asa ang dinanas na hirap at tamis ng mga tagumpay ni Isko at ang pag-asang siya na nga kaya ang itinakda sa Palasyo.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.