Advertisers
NAKAKATAWA ang kasalukuyang sitwasyon kung saan sila-sila sa naghaharing uri ang naglalaslasan ng lalamunan. Inumpisahan ni Rodrigo Duterte ng laslasin niya ang lalamunan ni BBM. Ipinahiwatig niya sa isang pahayag noong Huwebes na gumagamit si BBM ng cocaine, isang ilegal na droga na nakakapagpasigla.
Hindi niya binanggit ang pangalan ni BBM kahit may tsismis na adik sa bawal na gamot si BBM. Dahil hindi sang-ayon si Duterte na tumakbong bise presidente si Sara kay BBM, pinipilit niya na gumawa ng paraan upang sumailalim si Sara kay Bong Go, ang taong hindi tinatanggap ni Sara sa hindi malamang dahilan. Sinisira ni Duterte si BBM sa mata ng publiko.
Habang isinusulat ang kolum na ito, hindi sumasagot si BBM kahit maraming netizen ang natawa lang sa ibinulgar ng taga-Davao City. Kilala si Duterte na gumagamit ng Fentanyl, isang droga kontra sakit sa katawan.
Cocaine laban sa Fentanyl. Ito ang nakakatawang biro ng mga netizen.
***
KUNG mananaig ang puwersa ng demokrasya sa 2022, tatlong pamilyang pusakal este pulitikal ang malalaglag sa halalan: Marcos, Duterte, at Arroyo.
Ngayong malinaw na ang mga kandidatong lalahok sa 2022, labanan ito sa moralidad, ayon kay netizen Sahid Sinsuat Glang, isang retiradong sugo. Labanan ito ng damdaming makabayan ng mga Filipino at mga kampon ng China. Isahang labanan ang 2022.
Ang tambalang Leni Robredo at Kiko Pangilinan ang Team Philippines. Kalaban ang Team China na binubuo ng tambalang BBM-Sara, ani Sahid. Si Leni at Kiko ang kumakatawan sa kabutihan at ang BBM-Sara ang kasamaan, aniya. Hindi kasama si Bong Go na tumatakbo sa panguluhan sa 2022. Si GMA ang tumatangkilik sa BBM-Sara.
Hindi maiwasan na banggitin ang karanasan ng bansa noong nagkaroon ng isahang labanan sina Cory Aquino at Doy Laurel kontra sa tambalan ni diktador Ferdinand Marcos at Arturo Tolentino. Nanalo sa opisyal na bilangan si Marcos at Tolentino ng Commission on Elections (Comelec) at idineklarang panalo ng Batasang Pambansa ang dalawa.
Ngunit pinatalsik ng sambayanang filipino sa payapang himagsikan ng EDSA noong 1986 si Marcos at iniluklok si Cory at Doy bilang pangulo at pangalawang pangulo. Tumakbo at umalis na bansa na tulad ng aso na bahag ang buntot si Marcos at pamilya at naging destierro (exile) sa Estados Unidos. Namatay si Marcos noong 1989 ng hindi nakatapak sa Filipinas.
Ginamit ni Marcos ang makinarya ng Kilusang Bagong Lipunan, (KBL), ang lapiang pulitikal ng diktadura, upang manalo sa bawat pagkakataon. Namigay ng suhol at iba pang biyaya sa mga kasapi ng KBL. Namili sila ng boto na gamit ang salapi mula sa kaban ng bayan. Ginamit nila ang Sandatahang Lakas upang takutin ang mga botante upang iboto si Marcos at hindi lumabas ang mga botante sa mga lugar na malakas ang oposisyon.
Pinakamatindi ang ginawa ng mismong Comelec sa pagmanipula sa listahan ng mga botante. Maraming pangalan ang nawala sa listahan ng mga botante. Dahil nawala, hindi sila nakaboto. Tinatatayang 3.3 milyon ang hindi nakaboto sa 26.1 milyon botante noong 1986. Pinatunayan ang nandadaya ang Comelec bilang institusyon.
Dahil sa matinding dayaan noong 1986, hindi tinatanggap ng international community ang panalo ni Marcos. Isinuka si Marcos na sariling kababayan na nagdaos ng hindi matutularang himagsikan sa EDSA kung saan milyon-milyon ang sumama. Natalo si Marcos at umalis sila sa Malakanyang na takot na takot na patayin ng galit na galit na sambayanan.
Magkaiba ang sitwasyon ng 1986 at 2022. Walang KBL na naghahari ngayon. Natunaw ang naghaharing koalisyon ni Rodrigo Duterte at mistulang lumpong pato si Duterte na hindi maiigiit ang kanyang nais.
Kahit nakakalungkot ang sitwasyon ni Duterte, patuloy siyang nag-aambisyon na manatili sa poder sa pamamagitan ni Bong Go. Umiiwas siya sa proseso ng International Criminal Court (ICC) kung saan nahaharap siya sa sakdal na crimes against humanity na iniharap ni Sonny Trillanes at Gary Alejano noong 2017.
Libo-libo ang ipinapatay ni Duterte dahil sa hinala na sangkot sila bilang tulak o adik sa madugo ngunit bigong digmaan kontra droga. Hindi alam ni Duterte kung ano ang proseso ng ICC. Hindi niya alam kung ano ang gagawin upang harapin ang proseso ng ICC.
Maiiwasan ng puwersang demokratiko ang bangungot noong 1986. Kailangan na magkaisa ang puwersa ng demokrasya upang magapi ang puwersa ng kasamaan sa bansa. Kailangan ang pagtutulungan ng sambayanan.
Kailangan mabigyan ng sapat na edukasyon ang mga botante. Kailangan magtulungan ang iba’-ibang sektor upang turuan ang mga botante na makilala ang fake news. Marami sa kanila ang napaniwala ng fake news na karaniwang nanggaling sa kampo ng Marcos, GMA, at Duterte.
Kailangan bumuo ng isang matibay na citizens’ watchdog na magbabantay sa pangangasiwa ng Comelec sa halalan. Pinakamasakti na sabihin na marunong mandaya ang Comelec bilang isang institusyon. Kailangan na may malakas tayong Namfrel, PPCRV, Lente, at iba pang citziens’ watchdog organization.
Hindi maaasahan na magbigay na patas at walang kinikilingang laban ang Comelec. Gagawing kasangkapan ang Comelec ng malawakang pandaraya . Hawak ng pangkat ng Davao City ang liderato ng Comelec.
Maiging matyagan ang sistema ng pagbibilang upang maiwasan ang nangyari noong 2019 kung saan nanalo ang lahat ng kandidato sa Senado ng administrasyon ni Duterte sa pamamagitan ng “seven-hour glitch.” Pandaraya ito.
Maigi rin na ipagpatuloy ang mga motorcade ng puwersang Pinkista ni Leni Robredo sa buong bansa. Kapag nandaya ang gobyerno at ipinapanalo si BBM, kailangan lumabas ang maraming mamamayan upang tutulan ang pagbabalik ng pamilya na dumambong sa yaman at dangal ng bansang Filipinas.