Advertisers
HINDI pa nga natatapos ang pandemyang COVID-19, may bago na namang pandemya na haharapin ang ating mga kababayan kapag nagtuloy-tuloy ang pagsasabatas ng e-sabong at iba pang e-gambling sa bansa.
Ang babalang ito ay pinakawalan ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano na isa sa mga mahigpit na tumututol sa naturang uri ng sistema ng pagsusugal sa bansa.
Nitong nakaraang linggo, ipinasa ng House Committee on Ways and Means ang House Bill No. 10204 na naglalayong magbigay ng 25-taon na prangkisa sa Visayas Cockers Club, Inc. para makapagtayo ng mga off-site betting stations sa bansa.
Kung maipapasa ang nasabing probisyon sa ikatatlo at pinakahuling reading nito, ang Visayas Cockers Club Inc. ay magiging pangalawang licensed e-sabong operator sa Pilipinas na mayroong 25-taon na prangkisa. Naunang nabigyan ng prangkisa ang Lucky 8 Star Quest, Inc. kamakailan.
Napakalaking problema nito dahil sa halip na tutulan ng gobyerno ang paglipana ng electronic gambling, mukhang sinusulong pa ito ng PAGCOR dahil sa P2.8B na kikitain ng pamahalaan mula dito. Pero, ang sinasabi nga ni Cayetano, aanhin mo naman ang P2.8B kung ang kapalit nito ay ang pagkalulong ng ating mga kababayan sa e-gambling particular na ang e-sabong.
Walang regulasyon ang e-sabong dahil pwede itong ma-access ng kahit na sino gaya ng mga bata, mga propesyunal o kawani ng gobyerno at kahit na sinong gustong magsugal via online. Mas mabuti pa nga ang mga tupada o sabong sa mga bayan-bayan dahil ito ay regulated ng mga LGU. Hindi rin basta-basta makakapasok sa mga casino ang mga kawani ng gobyerno dahil bawal ito, pero pwedeng-pwede ang lahat sa e-gambling o e-sabong.
Pandemya talagang maituturing ang e-sabong dahil magiging kultura ang gambling over hard work. Darating ang punto na puro online gambling nalang ang gagawin ng ating mga kababayan at hindi na magbabanat ng buto para mabuhay. Giit pa ni Cayetano, hindi lamang ito isang religious issue, kundi mahalagang social issue rin. Kaya naman nagpapasalamat si CAYETANO kina Manila 6th District Rep. Benny Abante at CIBAC Party-list Rep. Eddie Villanueva sa kanila ring pagtutol sa pagsasabatas ng panukala.
Sa katunayan, marami nang buhay ang nawindang sa pagkalulong sa e-sabong. Mismong ang CIBAC Partylist ay nakatanggap ng ulat ng apat (4) na kaso ng suicide sa Central Luzon dahil sa pagkalubog sa utang dahil sa e-sabong. Meron ding pulis na nagawang manghold-up dahil sa pagkalulong sa naturang sugal. May isa ring estudyante sa Maco, Davao De Oro na inaresto noong Nobyembre 3, 2021 matapos hindi makapagbayad ng kaniyang utang na P561,000 dahil sa e-sabong.
Ayon pa kay Cayetano madaling mahikayat sa pagsusugal ang mga menor de edad, mga taong nagsusugal gamit ang perang hindi kanila, at ang mga dati pang nagsusugal. At kapag nabuksan na ang e-sabong, tuloy-tuloy na ito. Hindi na rin pwedeng pigilin ang paglipana ng e-casino, sports betting at maging ang ending, maging electronic na rin. Mismo!
Kaya isa sa mga panawagan ni Cayetano sa taong bayan ay suriing mabuti ang mga plataporma ng mga kandidato sa 2022 elections lalo na ang mga tumatakbo sa panguluhan. Mahalaga na may malinaw na paninindigan ang bawat kandidato tungkol sa e-sabong dahil nakasalalay dito ang kinabukasan ng ating bayan. Hindi gawang biro na bigyan ng 25 taon prangkisa ang mga nasa likod ng e-sabong at iba pang e-gambling dahil maraming buhay ang malululong sa bisyong ito. Mismo!!!