Advertisers

Advertisers

Duterte kontra ICC

0 373

Advertisers

BAGAMAN kasalukuyang suspendido ang formal investigation ng International Criminal Court (ICC) sa sakdal ng crimes against humanity kontra Rodrigo Duterte at ilang kaalyado, hindi nangangahulugan tapos na ang pagsisiyasat at maililigtas si Duterte atbp. sa pag-uusig ng batas. Batay sa pahayag ng ICC, binibigyang daan ng ICC ang sariling pagsisiyasat ng gobyerno ni Duterte sa usapin ng ilang piling extrajudicial killings (EJKs). Pagkatapos maglatag ng ulat ang DoJ, itutuloy ang formal investigation ng ICC.

Hindi maaaring ihalintulad ang proseso ng ICC sa ating sistema kung mayroon maituturing na proseso. Diretso at malinaw ang proseso ng ICC. Itinatadhana ito ng Rome Statute, ang tratado ng maraming bansa na nagtayo sa ICC. Batay sa international law ang mga probisyon ng Rome Statute. Sinusunod na maraming bansa ang mga probisyon. Hindi ganito katindi ang proseso ng Filipinas. Salat sa kaayusan ang proseso ng bansa at maaaring mangyari ang kahit ano.

Sa buong akala ni Duterte, matitigil ang imbestigasyon sa kanya ng ICC. Kung sakaling ituloy ang nasuspendeng proseso, marami ang maaaring mangyari at kasama sa mga ito ang pag-aresto sa kanya na pinahihintulutan ng ICC kahit nasa estado pa ng formal investigation and proseso. Labis-labis ang kamangmangan ni Duterte sa maaaring mangyari.



Banggitin natin ang desisyon ni Duterte na huwag papasukin ang mga imbestigador ng ICC. Sa buong akala ni Duterte, walang makukuhang sapat na katibayan ang mga taga-ICC kung hindi sila papasukin ng bansa. Hindi na ganito sa panahon ng makabagong technolohiyang digital. Maaaring makausap ng mga taga-ICC ang sinuman mapagkukunan ng ebidensya. Hindi hadlang ang malayong distansya ng pagkakahiwalay upang mag-usap.

Bukod diyan, maraming ebidensiya ang naibigay na sa ICC. Kailangan lamang maglatag ng mga “validation,” o patunay na totoo ang mga katibayan na nasa kanilang pag-iingat. Hindi alam ng kampo ni Duterte ang daloy ng mga ebdensiya sa ICC kahit mahigpit na iniutos ni Duterte ang pagpigil sa pagpasok ng mga taga-ICC. Isa ito sa mga dahilan kung bakit isinampa ng ICC ang estado ng sakdal na unang inihain ni Sonny Trillanes at Gary Alejano.



Mula ng unang isinumite ng dalawang mambabatas ang unang information ng sakdal noong ika-17 ng Abril, 2017, tumuloy ito sa estado ng “preliminary investigation” noong 2018. Pansamantalang nabimbin ang pagsisiyasat dahil sa pandemya noong 2020. Ngunit noong ika-14 ng Hunyo, 2021, iminungkahi ni Fatou Bensouda, ang nagretirong taga-usig, sa Pre-Trial Chamber ng ICC ang pagtataas ng estado sa “formal investigation.”

Pumalit si Karim Khan kay Bensouda bilang punong taga-usig at hepe ng ICC Office of the Prosecutor, ngunit kilala si Khan bilang isang mananaggol na dalubhasa sa karapatang pantao at naglabas pasok siya sa Filipinas mula 2016, ang taon na naupo si Duterte. Sa maikli, madalas niyang kausap ang mga Filipino na may kinalaman sa mga EJKs. Kaya may katwiran na kapitan ang paniwala na tutuloy ang formal investigation sa sandaling luminaw kung may ginagawa o wala ang pagsisiyasat ng DoJ sa mga EJKs.



***

MARAMING pangako si Rodrigo Duterte na napako sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang lider ng ating bansa. Ipinangako niya na tatapusin niya ang probelama sa droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Napako kahit umabot sa tinatayang 30,000 katao ang mga namatay sa kanyang madugo ngunit bigong digmaan sa droga. Walang nangyari at lalong bumaha ng droga sa lansangan.

Kinatakutan ang kanyang digmaan sa droga. Hindi dahil sa hinuli ang mga sangkot. Walang duda na sa panahon ni Duterte, pinatay ng mga nakasakay ng motorsilyo na vigilante ang mga alkalde, abogado, pari, aktibista, at iba pang katao na walang kaugnayan sa droga. Sa maikli, pinatay ang mga kaugnayan sa droga. Pinasuko ang mga adik at inilista ang kanilang mga pangalan, ngunit nilipol sila ng mga pulis at puwersang may kaugnayan kay Duterte. Sa huli, inamin ni Duterte na bigo siya sa kanyang pangako.

Ipinangako ni Duterte na tatapusin niya ang suliranin sa korapsyon. Malaking katatawanan ang pangako ni Duterte dahil mas lumala ang problema sa nakawan sa gobyerno. Hindi naaalis ang paniwala na sangkot mismo si Duterte. Hindi niya malaman kung paaano ipagtatanggol ang sarili sa pagkakasangkot ng ilang kriminal na Intsik at Indian sa iskandalo sa Pharmally kung saan umabot sa P8 bilyon ang nawala sa kaban ng bayan. Bilyong piso ang korapsyon sa panahon ni Duterte. Mahihiya si Batman, sabi ng ilang netizen.

Ipinangako ni Duterte na bibigyan niya ng karampatang solusyon ang pandemya. Maliban sa pagbagsak ng ekonomiya at pagkawala ng bilyon piso na salapi ng bayan, walang malinaw na solusyon si Duterte. Baba-taas ang bilang na mga nagkakasakit. Walang malinaw na programa upang tapusin ang pandemya. Isang malaking katanungan kung matapos ang pandemya sa huling anim ng buwan ni Duterte sa poder.

Isang malaking kabiguan si Duterte. Walang nangyari sa kanyang panahon sa poder. Walang magandang nangyari sa kanyang termino.

***

MAY bukas na liham si Ma. Lourdes Sereno, Punong Mahitrado ng Korte Suprema.:

FRIENDS, HIHINGI PO AKO NG FAVOR SA INYO

Alam naman po natin na ang FB, hindi nagdi-distinguish sa fake news at totoo. Ang kinikilala lang ng programming (algorithm) nito ay kung ilang beses napansin ang isang page o isang post.

Kung alam niyo po na super-spreader ng fake news ang isang page, hindi niyo na po kailangan i-tag o mag-engage sa page na iyon. Lalo lang po ipo-promote ng programming ng FB ang page na iyon.

Hindi po tayo nagpapagod sa page na ito para sumikat ang mga nanlilinlang sa kapwa. Nagbabalita tayo ng katotohanan sa isang paraan na hindi natin natutulungan unwisely ang mga sinungaling.

So, sa ating lakbayin po, mag-refrain po tayo ng pag-engage, pagbanggit, pag-share ng mga super-spreader ng fake news, whether sa page na ito o sa ibang pages. May paraan po tayo na nababantayan natin ang sinasabi sa ibang forums. Kapag nabigyan niyo na po ako ng munting tip, okay na po iyon. Huwag pong ulit-ulitin ang mga identities ng pages. Maingat po ako sa paglalahad ng mga information dito para safe kayong lahat. Huwag pong sobrahan ang pag-react sa mga sinungaling.

Ang mas bigyan ng time at energy ay ang pag-share ng truthful content, gaya po ng mga nasa posts natin. At ang paggawa ng new content na nagtataguyod ng katotohanan at kabutihan. At lalong bigyan po ng oras ang panalangin at pagsamba sa ating Diyos sa lahat ng bagay, lalo na po ang repentance para sa ating bayan at mga mananampalataya. Marami po tayong hinayaang maling pananaw, dulot ng kakulangan ng equipping natin in integral faith.

Nawa’y ingatan ng Diyos ang inyong mga isip at puso, that our God will keep your hearts and minds in Christ Jesus (Philippians 4:7). Salamat po.