Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
SA interview sa kanya ng talent manager turned vlogger na si Ogie Diaz, ibinahagi ni Pokwang ang mga raket na pinasok niya sa panahon ng pandemya.
Dahil sa kasalatan ng trabaho, nag-venture raw siya sa food business bilang entrePinay.
Nagkaroon din daw siya ng traumatic experience sa isang taong kanyang pinagkatiwalaan.
Ito raw ay isang supplier na pinagkatiwalaan niya noon sa paggawa ng steel railings sa kanyang bahay.
Sa kanya rin daw negosyo na ihawan, kinontrata raw niya ito sa paggawa ng metal bars na ginagamit sa grilling kaso hindi raw ito nakapag-deliver.
Noong sinisita raw niya ito ay kung kani-kaninong tao pa raw siya itinuturo nito.
Ito ay sa kabila na nakapagbayad na siya sa nasabing supplier.
Ang ending, sa iba na lang siya nagpagawa subalit hindi na raw niya nabawi ang perang ibinayad niya.
Ani Pokwang, hindi na raw siya naghain ng reklamo sa nabanggit na kakilala dahil naawa raw siya rito.
Noong bisitahin daw kasi niya ang Facebook account nito ay nakita niya ang kalunos-lunos na kalagayan ng pamilya at mga anak nito.
Gayunpaman, masama lang daw ang loob niya dahil sinira nito ang kanyang pagtitiwala.
Aniya, nasa posisyon pa raw naman siya na puwedeng matulungan ito at mabigyan pa ng maraming customers sa pamamagitan ng referrals kung maganda ang serbisyo nito.
Hirit pa niya, mali rin daw na isipin na porke’t artista ang isang tao ay laging marami itong pera.
Sa naturang vlog, sinariwa rin ng Kapuso actress ang mga panahong nagtratrabaho pa siya noon bilang OFW sa Abu Dhabi.
Ito raw iyong panahong na-diagnose ang kanyang anak na lalake na may brain tumor na inilihim sa kanya ng kanyang pamilya.
Sa trahedyang iyon, namatay ang kanyang unico hijo.
Sa ngayon, kahit wala na raw ito, lagi pa raw naman itong nasa puso niya.
Sa bahay daw nila ay may sariling kuwarto ito dahil gusto niyang isipin na kapiling pa nila ang kanyang guardian angel.
Kapag may problema rin daw siya, kinakausap daw niya ang litrato nito at kahit papaano raw ay naiibsan ang kanyang dinadala.