Advertisers

Advertisers

YORME ISKO, MAY TUNAY NA MALASAKIT SA KALUSUGAN NG TAUMBAYAN: DR. CARL BALITA

0 94

Advertisers

PINANININDIGAN ni Dr. Carl Balita – kandidatong senador ng Aksyon Demokratiko – na magiging mahusay ang serbisyo sa kalusugan ng mamamayang Pilipino kung si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang papalarin na manalong Pangulo sa eleksyon sa Mayo 2022.

Sa regular na Pandesal Forum sa Quezon City, sinabi ni Balita, isang lisensiyadong nars, entrepreneur at nagpapaanak, na mayroon itong ginintuang puso at may matapat na malasakit sa mamamayang Pilipino.

“Vice Mayor pa lang si Yorme Isko ay may mga natulungan na kami, may pinagsamahan na kaming mga proyekto,” sabi ni Balita sa harap ng mamamahayag sa Pandesal Forum.

Aniya, isang bata ang kailangang ipaopera sa labas ng bansa ang inilapit niya kay Isko.

“Two million pesos ang magagastos, pinagtulungan namin ang pagpapagamot sa bata. Marami pa kaming naging proyekto dito sa atin,” may pagmamalaking sabi ni Balita.

Tinutukoy niya ang 20 bata na maysakit na Biliary Atresia na ipinagamot ni Isko, noon ay bise-alkalde, sa Taiwan.

“Salamat po, kailangan ng liver transplant surgery at salamat, all were successful. Ngayon ko lang ito sinasabi, kasi si Yorme Isko, hindi siya ang tao na ipinagyayabang ang mga tulong niya sa mahihirap. Hindi siya ‘yung mahilig i-publicize ang kabutihan niya,” sabi ni Balita.

Pinuri ni Balita ang magagandang ginawa ni Yorme Isko sa Maynila tulad ng ipinatayong gusali para sa mahihirap.

“Hindi ko na kailangang patunayan sa inyo ang mga ginawa ng isang Yorme Isko. Ang pinakamahalaga ay ang mga ospital na ipinatayo niya,” sabi pa ni Balita.

Ilan dito ay ang malapit nang pasinayaang New Ospital ng Maynila at ang Corazon C. Aquino General Hospital sa Baseco Compound na makapagbibigay ng mahusay na serbisyong medikal at programa sa kalusugan ng residente ng Maynila.

May 10-palapag, may 384-bed capacity ang New Ospital ng Maynila, at mayroon itong 12 intensive care units (ICUs), at 30 private rooms.

Mayroon din itong tatlong palapag na parking building at isang helipad para sa mabilisang paglikas kung may emergency.

Bukod dito, nagpatayo rin ng murang pabahay sa pamilyang iskwater ang 47-anyos na kandidatong pangulo, at mga bagong paaralang publiko.

Namigay rin ng mga gamit elektroniko tulad ng tablet, computer at may free bandwidth sa estudyante sa paaralang publiko sa Maynila.

Dagdag pa rito ang alawanses, tulong na salapi sa mga estudyante sa publikong kolehiyo at unibersidad, at ayudang gamot at salapi sa mga senior citizens, person with disabilities (PWDs) at iba pa.

Mas hinahangaan ni Balita kay Yorme ay ang tunay na malasakit sa mga doktor, nars at iba pang health workers.

Bago tinanggap ang alok ni Yorme Isko na kumandidatong senador, tinanong muna ni Balita ang mga health professionals tungkol kay Moreno.

Marami sa mga tinanong niya ang nagtitiwala sa alkalde.

“Masaya sila kay Isko,.. Saan ka nakakita na ang kinuha niyang vice president e doctor? E kasi sanay naman siya na ang vice niya ay doctor. Kumuha pa siya ng isang senador na isang health professional din,” sabi ni Balita.

Sa forum, sinabi ni Balita ang mataas na pagpapahalaga ni Yorme Isko sa mga health professionals at ang ginawa nito para maitaas ang kalidad ng serbisyong medikal sa Maynila.

“Look at the New Ospital ng Maynila kung gaano kalaki, look at the two new hospitals. Look at the vaccination efforts of Manila, all the innovations in terms of vaccination, drive-thru, 24/7, the field hospital now being used for our OFW family. Saan mo makukuha ‘yan?” sabi ni Balita.

Nanawagan si Balita sa kapwa niya health professional na ikumpara si Yorme Isko sa iba pang kandidatong pangulo.

“… mansanas sa mansanas, ikumpara niyo ang lahat ng presidentiables sa nagawa nila sa larangan ng kalusugan. Mag-isip kayong mabuti na mga kapatid ko sa health profession. Sino ba ang nagbibigay ng tamang regard, tamang respeto, tamang benepisyo at tamang tulong sa mga health workers.’ Yun ang piliin natin. At ‘yan ang dahilan kung bakit na kay Isko Moreno ako,” paliwanag ni Balita.

Dahil sa pagmamahal ni Yorme Isko sa masang Pilipino kaya pumayag siya at si Doc Willie Ong na kumandidatong bise presidente sa Team Isko.

Si Doc Ong, tulad ni Balita ay magagamit sa kampanya ang maraming tagasubaybay sa social media bilang medical vlogger pero pinili pa rin nila na sumama sa “Listening Tour” ni Yorme Isko.

Paliwanag ni Balita, mahalaga sa kanila ni Doc Willie at kapwa kandidatong senador na sina Samira Gutoc at Jopet Sison na sumama sa “Listening Tour” ni Yorme Isko.

“Iba ang pakiramdam na personal mong maririnig ang mga hinaing, ang mga pangarap ng mga tao at malaki ang natutunan namin na aming magagamit sa paggawa ng polisiya at mga batas kung papalarin kaming manalo,” sabi ni Dr. Balita.

Leave A Reply

Your email address will not be published.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More