Advertisers
Inaresto ng mga tauhan ng Kamuning Police Station ang kasamahan nilang pulis na sangkot sa panggagahasa sa 17-anyos na dalagitang Grade 10 student sa inuupahang bahay ng kaanak ng biktima sa Kamuning, Quezon City.
Kinilala ang suspek na si PSSGT Galahad Altarejos, 47-anyos at miyembro ng Philippine National Police (PNP-SOCO).
Sa report, naaktuhan si Altarejos sa kwarto ng dalagita 10:00 ng gabi nitong Sabado.
Ayon sa ulat, isang working student ang biktima na habang nag-aaral sa kanyang mga modules nagtatrabaho bilang service crew sa restaurant na pagmamay-ari ng kanyang tiyahin sa Kamuning Road.
Nangyari ang umano’y panggagahasa nang magboluntaryo si Altarejos na ihatid ang biktima at kanyang tita sa kanilang bahay nang magsara ng kanilang restaurant.
Sa pahayag ng biktima, pwersahan umano siyang ipinasok sa kanyang kwarto at pinagbantaan ni Altarejos.
Sabi ng tiyahin ng biktima, pinapasok niya ng kanilang bahay ang pulis dahil hindi niya akalain na gagawin ito ni Altarejos na kilala na rin nila dahil lagi itong kumakain sa restaurant na malapit lamang sa QCPD Station 10.
Sa ngayon, nakakulong sa QCPD Station 10 si Altarejos.
Samantala, anumang oras nakatakdang ilipat sa Kampo Karingal si Altarejos.
Ayon kay QCPD Station 10 Commander PCol. Alex Alberto, hinihintay na lang ang resulta ng medico legal na isinagawa sa grade 10 pupil.
Sabi ni Alberto, ang Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) na ang magsasagawa ng investigation hanggang sa pagsasampa ng kaso.
Isang hiwalay na unit ng pulisya ang SOCO at hindi sakop ng Kamuning police station o anumang police district kung saan nakatalaga ang kanilang tanggapan.
Nahaharap sa kasong rape at paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act si Altarejos.