Advertisers
Sugatan nang barilin ang isang BPO employee ng holdaper sa isang kalye sa Tondo, Maynila nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Christian Balingcasag, habang natukoy naman ang suspek na si Mikko Doble.
Ayon sa ulat, pauwi na sana ang empleyadong naglalakad sa Juan Luna Street nang salubungin ng isang lalaki at tinutukan ng baril.
Kita sa CCTV na nagpambuno pa ang biktima at salarin hanggang sa pinaputukan ang biktima at tinangay ng suspek ang bag nito.
“Noong nakikipagbuno siya, binaril niya kaagad ‘yong biktima at tsaka tumakbo gamit ang kaniyang motorsiklo,” ani Manila Police District Station 2 commander Police Lieutenant Colonel Harry Lorenzo III.
Nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis at natunton sa Maypajo, Caloocan si Doble.
Ayon sa pulisya, isang notorious na holdaper si Doble at may nabiktima na rin sa Valenzuela.
May standing warrant of arrest sa kasong robbery at holdup si Doble at miyembro rin ng sputnik gang.
Na-recover kay Doble ang kalibre .38 na baril, mga bala, pati ang cellphone ng biktima.
Samantala, kasalukuyang nagpapagaling ang biktima sa ospital at nasa stable condition na.