Advertisers
TINUTUPAD ng gobyerno ang pangakong palalakasin ang healthcare system ng bansa, sinaksihan ni Senator Christopher “Bong” Go ang turnover ng tulong pinansyal mula sa Office of the President (OP) sa Philippine Orthopedic Center (POC) sa Quezon City.
“Nais kong bigyang-diin ang pangangailangan na mamuhunan sa ating sistema ng pangangalagang pangkalusugan…. Natutuwa akong gumagawa tayo ng mga tamang hakbang upang mas maging handa tayo sa anumang darating na krisis sa kalusugan,” sabi ni Go.
“Dapat patuloy nating palakasin ang ating kapasidad sa pangangalagang pangkalusugan, magdagdag ng mga kama, magtatag ng mga dagdag na ospital at palakasin ang serbisyo na maaaring maibigay ng ating mga pampublikong ospital. Dahil sa totoo lang po, ang mga mahihirap nating mga kababayan ang pumupunta sa mga pampublikong ospital. Para po ito sa kanila. Basta kapakanan ng mahihirap, ipaglalaban po namin kayo,” idinagdag ng senador.
Ang OP, bilang pagtupad sa obligasyon nitong tiyakin ang kalusugan at kagalingan ng mga Pilipino, ay naglaan ng P65 milyon sa POC para sa pagkuha ng mga kagamitang medikal na higit na magpapaunlad sa kalidad ng mga serbisyong pangkalusugan na maibibigay nito sa mga pasyente.
Ang tulong pinansyal ay nagmula sa Socio-Civic Projects Fund (SCPF) ng OP at dapat gamitin para makakuha ng tatlong uri ng Hybrid Assistive Limb (HAL) na mga device. Bahagi ng advanced na robotics rehabilitation technology, ang mga HAL device ay idinisenyo upang suportahan ang physical therapy ng mga pasyenteng dumaranas ng mga kondisyong neurological.
Sa pangunguna ni Executive Secretary Salvador Medialdea, ang turnover ceremony ay dinaluhan din ni POC Medical Center chief Dr. Jose Brittano Pujalte Jr. at OP Deputy Executive Secretary for Finance and Administration (DESFA) Rizalina Justol.
Upang matiyak na ang mga pondo ay ganap na na-liquidate at nagagamit nang epektibo para sa kanilang nilalayon na layunin, ang OP-DESFA ay magsasagawa ng Financial at Physical Performance Evaluation.
Ang POC naman, ay magsusumite ng isang na-audit na ulat ng mga disbursement at ibabalik ang mga hindi nagamit na pondo sa OP kapag natapos ang proyekto.
“Naniniwala ako na hindi dapat maging hadlang kahit na ano mang kapansanan para magkaroon ng komportableng buhay. Kaya sa abot ng aking makakaya, nais kong makatulong sa ating mga amputated patients na mabigyan sila ulit ng pagasa upang makalakad ulit,” ayon kay Go.