Advertisers

Advertisers

Bong Go: Serbisyo sa OFW di dapat maabala sa transition period sa pagbuo ng DMW

0 339

Advertisers

HINIKAYAT ni Senator Christopher “Bong” Go ang gobyerno na tiyaking hindi maaabala ang mga serbisyo sa OFWs sa gitna ng transition period para sa pagtatatag ng Department of Migrant Workers.

Nabatid na ang mga ahensyang kasalukuyang nangangasiwa sa mga usapin na may kinalaman sa OFW ay unti-unting naa-absorb ng DMWorkers sa loob ng dalawang taon na transition period.

Sa panahong ito, ang mga tungkulin, ari-arian at pondo, bukod sa iba pa, ng mga nauugnay na ahensya ay ililipat sa DMW.



Ang pitong apektadong ahensya ay ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Philippine Overseas Labor Offices (POLO), International Labor Affairs Bureau (ILAB), at National Maritime Polytechnic (NMP) sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE); ang Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA) sa ilalim ng Department of Foreign Affairs (DFA); ang National Reintegration Center for OFWs (NRCO) sa ilalim ng Overseas Workers Welfare Administration; at ang Office of the Social Welfare Attaché (OSWA) sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang pagbabalangkas ng panloob na organikong istruktura, pattern ng staffing, operating system at binagong badyet ng DMW ay isasagawa din sa panahon ng transition.



“Tuloy-tuloy na po ang pagbuo ng bagong departamentong ito na siyang magbibigay ng agarang serbisyo sa ating mga OFW na napakalaki ng ambag sa ating ekonomiya,” ani Go.

“Habang nasa transition period tayo, hinihimok ko ang gobyerno na siguruhing hindi maaantala ang paghahatid natin ng serbisyo sa ating mga OFWs,” aniya pa.



Alinsunod sa Seksyon 23 ng DMW Act, na nagkabisa kamakailan, ang Opisina ng Pangulo ay naglabas ng isang memorandum na bumubuo sa Transition Committee upang mapadali ang kumpleto at buong operasyon ng DMW.

Ang Transition Committee ay pangungunahan ng DMW Secretary na itatalaga ng Presidente. Gayunpaman, kung ang Pangulo ay nangangailangan ng mas maraming oras upang humirang ng isa, ang Pangalawang Kalihim ng OUMWA ay iuutos na agad na ipatawag ang komite.

Ang Administrador ng POEA at mga direktor ng ILAB, NRCO, NMP, at OSWA ay dapat maging bahagi ng komite.

Noong Disyembre 30, 2021, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11641, na lumikha ng DMW sa layuning mapabuti ang koordinasyon ng mga ahensyang tumutugon sa mga concern ng mga migranteng manggagawang Pilipino.

Ang bersyon ng Senado o ang Senate Bill No. 2234, ay iniakda at kasamang itinataguyod ni Go. Ito ay pinagsama-samang bersyon ng isang naunang panukalang batas na ipinakilala niya upang itatag ang Department of Overseas Filipino Workers na magtitiyak sa mahusay at epektibong paghahatid ng mga kritikal na serbisyo publiko.

“Isa ito sa mga unang panukalang batas na inihain ko bilang senador. Talagang ipinaglaban natin ito. Sa wakas… mayroon tayong isang departamento na tutugon sa mga pangangailangan ng ating mga migranteng manggagawa,” ayon kay Go.

Ang DMW ay responsable rin sa pag-regulate ng mga pribadong recruiting firm upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga migranteng manggagawa.

Makikipagtulungan din ito sa Department of Justice at Inter-Agency Council Against Trafficking upang imbestigahan at tumulong sa pag-uusig ng mga kaso na kinasasangkutan ng recruitment at human trafficking.