Advertisers
NAGLABAS ng kautusan ang Supreme Court na nag-uutos sa Malakanyang na magkomento sa petisyon para sa mandamus na inihain ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez.
Ang naturang petisyon ay humihiling na obligahin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sumailalim sa pisikal at mental na pagsusuri, kabilang ang hair follicle drug test.
Kasama sa kahilingan ng petisyon ang direktiba na ilabas at ipahayag sa publiko ang isang medical report na naglalaman ng resulta ng pagsusuri, kabilang ang klinikal na kumpirmasyon ng kanyang pisikal at mental na kakayahan upang gampanan ang tungkulin bilang Pangulo.
Binigyan ng 10 araw na hindi na maaaring palawigin ang mga respondent mula sa oras ng pagtanggap ng abiso upang magsumite ng kanilang komento.
Ang hakbang na ito ng Korte Suprema ay nagbubukas ng mas malalim na usapin hinggil sa transparency at accountability ng pinakamataas na opisyal ng bansa, lalo na sa gitna ng mga panawagan para sa mas malinaw na pagtiyak sa kalusugan at kakayahan ng Pangulo.