Advertisers

Advertisers

Pro-Duterte labor groups suportado ang pagtakbo ni Isko bilang Pangulo

0 171

Advertisers

ANG mga manggagawa at Transport Groups sa ilalim ng Labor Power Movement na aktibong nangampanya kay President Rodrigo Roa Duterte noong 2016 ay lumipat na ng kanilang suporta kay Aksyon Demokratiko standard bearer Isko Moreno sa pagtakbo nito bilang Pangulo ng bansa.

Ang 200,000 pwersa ng Labor Power Movement ay nag-anunsyo ng kanilang all-out support kay Moreno sa isang press conference na ginawa sa Team Isko-Doc Willie campaign headquarters sa Intramuros, Manila. Ang LPM ay binubuo ng Bus Transport Workers Alliance (BTWA), Alliance of Genuine Labor Organizations (AGLO), at National Confederation of Labor (NCL).

May 200 mga lider mula sa LPM ang magtipon-tipon sa harap ng Manila Cathedral bago tuluyan magmartsa patungo sa Team Isko-Doc Willie campaign headquarters bago magtanghali nitong Lunes.



Malugod na tinanggap ni Moreno ang suporta ng tatlong labor groups sa ilalim ng LPM at pinasalamatan ang mga lider at miyembro nito mula thank Luzon, Visayas at Mindanao.

“This symbolic presence of yours, kayong nandirito lahat at ang inyong pamunuan na andirito ay ipinagpapasalamat ko at umaasa ako na kayo, about 200,000 of you all over the country solid and ready to switch to Isko, sabi nga ng mga t-shirt ninyo. Maraming-maraming salamat,” pahayag ni Moreno.



“Sa tulong ninyo lalo ngayon palakas tayo ng palakas, at parami tayo ng parami at unti-unti ng lumiliwanag ang paningin ng mga tao at humuhupa na yung alikabok at nakikita na ng tao yung tunay, unti-unti, na kulay ng mga kandidato,” ayon pa sa kanya.

Binunyag ni Eduardo Laurencio, secretary-general AGLO na buong-buo ang kanilang suporta sa pagtakbo ni Moreno bilang susunod na pangulo dahil sa “Bilis Kilos” na tugon nito sa pagttatayo ng mga local government projects tulad ng mga ospital, mga eskwelahan at pabahay para sa mga mahihirap.



At bilang miyembro ng Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC), sinabi ni Laurencio na nagsagawa sila dati ng masusing pag-aaral kung sino sa mga tumatakbong kandidato sa pagka-Pangulo ang makikipaglaban sa karapatan ng mga manggagawa.

“Bakit si Isko? Dahil ipagpapatuloy nya yung Build, Build, Build. So, kami nakita namin sa hanay namin na kinakailangan natin ng bata at mabilis kumilos. Ayaw na namin ng trapo. Ang dami na naming karanasan, kasama kami sa People Power. Ilang taon akala natin magbabago ng tuluyan yung sistema dito sa Pilipinas. So, ngayon po dini-declare namin ang Labor Power Movement na all-out Isko for President,” ayon kay Laurencio.

Sinabi ni Laurencio na sinusuportahan na nila ngayon si Moreno dahil itutuloy nito ang magagandang nagawa ni President Duterte at uulitin din nito ang kanyang mga nagawa sa Maynila para sa buong bansa.

“Kung papaano namin sinuportahan si Presidente Rodrigo Roa Duterte, ganun din po ang gagawin naming kay Mayor Isko. Kaya sa araw na ito sinasabi namin makasaysayan dahil ngayon po nabuo ang pagkakaisa namin sa hanay ng NCL, sa hanay ng bus transport alliance, na aming susuportahan si Mayor Isko Moreno Domagoso,” sabu ni Laurencio.

Sinabi naman ni Jessie Olivar, chairman ng Bus Transport Workers Alliance, na ang alkalde ng Maynila ay hindi ang tipo ng lider na basta nangangako lang, tinitiyak nito na ang kanyang mga binitiwang pangako ay matutupad sa mabilis at epektibong paraan at totoo sa kanyang motto na “Bilis Kilos.”

“Ang desisyon namin ay di lang pinagdesisyunan ng ilan. Ito ay pinagdesisyunan ng mga lider, mga member kinonsulta namin kung eto ba ay tama, na dito kami makikilahok dahil ang transport alliance ay pinakamalaki sa buong bansa natin. Dahil kung sino man sa inyo dito ang tiga-Visayas, Mindanao eto pong inyong lingkod, sa inyong harapan ay 26 years ng nagseserbisyo sa mangagawa sa Philtranco. Luzon, Visayas, Mindanao ang byahe po nito,” sabi ni Olivar.

Ayon naman kay Dennis Aquino, NCL national coordinator, napili nilang suportahan si Mayor Isko dahil sa katapatan niyang tulungan ang mga manggagawa, lalo na ang mga nawalan ng trabaho dahil sa Covid-19 pandemic.

“Kailangan natin ang ganyang klase ng adhikain ng presidente na magkaroon ng matatag na trabaho at syempre yung kontraktwalisasyon sana ma-abolish na rin dahil napakahirap rin talaga ng isang kontraktwal. Kapag ikaw ay tumanda na, wala na. Tanggapin po natin ang katotohanan at syempre ang atin pong butihing mayor alam naman natin dito na nanggaling sya sa hirap, tama po ba? Ibig sabihin tayo mismo ay magkakaintindihan, tayo pong mga mahihirap,” sabi ni Aquino.

Sa kanyang pasasalamat sa mga labor groups, sinabi ni Moreno na ang “Mayor Isko-Doc Willie” tandem ay titiyakin na ang kanilang “Life and Livelihood” priority program ay maipatutupad sa loob ng unang dalawang taon ng panunungkulan ng Moreno-Ong administration. (ANDI GARCIA)