Advertisers

Advertisers

NAUDLOT ANG HULING COMELEC DEBATES

0 185

Advertisers

PAGDATING talaga sa eleksiyon, sala-salabat ang problema.

Mula sa pondo hanggang sa kandidato, may nakakapit na gusot, at hindi pa kasama riyan ang kaliwa’t kanang batuhan ng putik ng mga pulitiko.

Kaya naman, nagdesisyon daw ang Commission on Elections (Comelec) na ipagpaliban muna ang huling presidential at vice presidential debates.



Una itong ini-schedule ngayong araw ng Sabado at bukas (Linggo) kasunod ng ilang isyu sa pagbabayad daw sa Sofitel Hotel sa Pasay City.

Kung matatandaan, iniulat na hindi pa nababayaran ng Vote Pilipinas, organizing partner ng Comelec, ang utang na nagkakahalaga ng P14 milyon.



Sabi ni Comelec Commissioner George Garcia, kinuha na lang tuloy nila bilang bagong partner ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).

Bunga nito, ikakasa na raw ang huling dalawang debates sa ika-30 ng Abril at ika-1 ng Mayo.



Sabi ng Comelec, hindi naman daw puwedeng i-finance ang mga debate gamit ang pera ng taumbayan.

Humingi rin siya ng tawad sa mga kandidato dahil sa nasabing gusot habang nangangako ng imbestigasyon pagdating sa isyu ng kinuhang contractor ng poll body.

Maliban sa ganyang problema, malaking hamon din sa Comelec ang posibleng pagkakaroon ng surve ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Sinasabing maglalagay na lang daw ang poll body ng nakabukod na ‘polling area’ para sa mga botante na makikitaan ng sintomas ng impeksiyon.

Makikipag-ugnayan din ito sa Department of Health (DOH) para maplantsa ang mga panuntunan na may kinalaman dito.

Tinatayang 67.5 milyong botante ang inaasahang dadagsa sa mga voting precincts sa Mayo 9 polls.

Lahat sila, siyempre, kailangang makunan muna ng temperatura bago payagang makaboto.

Aba’y susuriin din kung mayroon silang lagnat, nagtatae, umuubo, at sinisipon.

Sakaling may COVID-19 symptoms gaya ng lagnat o diarrhea, dadalhin sila sa nakalaang isolation polling precinct.

Makakaboto pero nakahiwalay nga lang sila.

Ang gagawin nila, sasagutan ang balota, at ilalagay ng miyembro ng electoral (board) sa vote-counting machines o VCMs.

Ilalagay ang ‘isolation polling area’ sa tabi lang daw ng presinto.

Ipapaalam naman daw sa mga partidong politikal, mga citizen groups, at mga kandidato ang tungkol sa kanilang ‘isolation policy’.

Kung hindi ako nagkakamali, aba’y balak din daw ng Comelec na maglagay ng nakaistambay na ‘medical team’ sa mga presinto.

Well, maganda rin naman ito para mabilis na maaksyunan ang mga botanteng magkakaroon ng problema sa kalusugan o pangangailangang medikal sa araw ng eleksiyon.

* * *

PARA naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat po at stay safe!