Advertisers
DALAWANG babae ng magkahiwalay na henerasyon. Parehong maprinsipyo. Kapwa makabayan.
Si Nikki Coseteng, naging senador na anak ni Don Emerson ng Mariwasa na kumpanya.
Si Alyssa Valdes ang pinakabantog na volleybelle. Mula pa haiskul ay sikat na siya sa sports circle at ngayon ay tinuturing na pinakamagaling sa Pilipinas.
Si Nikki mahal ang basketball at ang inumpisahan ng ama na propesyunal na liga kaya kahit hindi na kaya ng negosyo ng pamilya ay tinuloy niya pa ang prangkisa sa pamamagitan ng Gallerie Dominique sa PBA.
May panahon pa na umakto siyang coach ng kanilang koponan.
Pumasok sa pulitika at pinalad maging bahagi ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Kamakailan ay naghayag siya ng saloobin hinggil sa ika-9 ng Mayo.
Sinabi niya sa mahabang kalatas na hinding-hindi niya matatanggap ang isa na namang Marcos na pamamahala.
Dinitalye niya ang mga dahilan kabilang na ang nakaw na yaman at mga human rights violation sa panahon ng diktadurya.
Paniwala niya na si Leni Robredo lang ang pwedeng talunin ang anak ng diktador.
Hindi raw siya malapit sa ating VP Leni pero ang campaign pitch niya ay ganire- “If you don’t want Marcos to win, please vote for Leni.”
Ire naman volleyball star na galing UST at Ateneo ay all out para sa biyuda ni Jesse Robredo.
Nagdeklara na siya kasabay ng boyfriend na si Kiefer Ravena na kakampink sila. Pati nga ibang teamate niya sa Creamline at ibang player sa PVL ay parehas niya ng paninindigan.
Paniwala nila sa ilalim ng pamumuno ng ina nina Aika, Tricia at Jillian ay aangat tayo dahil gobyerno ay tapat.
Nitong nagdaang mga araw ay nag-house to house siya sa San Dionisio sa Paranaque.
Eka ng 28 anos na napanood natin kamakailan sa Pinoy Big Brother –
“Sa May 9 sama-sama tayong mag-champion sa pangununa ni Leni Robredo. Ipanalo na-10 ‘to”
Ginagawa ito ng dalawang female lider ng walang bayad. Kusang-loob. Bukal sa puso. Kasi iyon ang sinisigaw ng kanilang mga isip at konsensya. Sana all!
***
Kung nakakatuwa ang mga personalidad na matitinong pinili ang matino’t mahusay mayroon din namang mga manlalaro na kumapit na sa patalim kasi nagigipit na. Mahina o wala ng kita.
Mamaya sa Araneta Coliseum magtitipon-tipon ang mga player na para kina Leni at Kiko. Tinagurian itong ANGATleta sa Araneta. Opo magpapakita sila sa publiko sa Big Dome. Magpaparada, maglalaro at magsasalita para sa bayan.
Proyekto ito ng Solid Leni Pilipinas at Youth Vote for Leni.Tara na’t makiisa!
***
Nakauna na kahapon ang Bucks at Warriors sa semis ng Western at Eastern Conference ng NBA. Mukhang mga paborito ang maghaharap sa finals.
Ayon kay Pepeng Kirat ay magtutuos ang Milwaukee at Miami sa East at Phoenix at Golden State sa West. Tingnan natin kung walang upset.