Advertisers
MATINDING hamon na may kalakip na bagong pag-asa ang naghihintay sa bagong palit na administrasyon na pinangunguhan ng Presidente at ng kanyang bise-Presidente sa panibago nilang anim na taong termino na magsisimula sa Hunyo 2022.
Sabik at sobrang inaabangan ng ating mga kababayan ang gagawin at plano ng dalawang ito sa unang 100 araw nila sa liderato. Dito daw kasi malalaman kung bokilya lang o drawing ang sinasambit ng mga ito.
Bagama’t hindi pa opisyal na dinedeklara ang kanilang panalo, pansamantalang binabase lang muna ang lahat sa layo ng agwat ng tinamo nilang boto mula sa taumbayan.
Landslide nga ika ng mga eksperto na maliwanag na trending na rin hanggang sa kahuli-hulihang balota pang bibilangin maski saan parte pa ng bansa. Wala na daw magiging epekto ito.
Ang mga bagong halal at niluklok ng mga tao sa liderato ay walang iba kundi sina dating Senador Ferdinand ” Bong Bong” Marcos Jr. at ang kanyang Bise na si Inday Sarah Duterte.
Kapuwa anak ng mga dating Presidente ang dalawang ito, si Marcos Jr. na mas kilala sa tawag na BBM ay anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos samantalang si Inday Sarah naman ay anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Marami ang nagsasabing napakalakas daw ng tandem na ito na kumbaga sa sugal ay sobrang liyamado at kung sa ulam naman ay kumpletos rekados. Kumpleto makinarya ika nga.
Hindi pa man nahahalal, ang pangunahing layunin ni BBM ay ang pagkakaisa ng mga Pilipino. Ito lang aniya ang tanging paraan upang umusad at umunlad ang bansa.
Wala nga naman magiging progreso ang bayan kung mananatili ang galit sa isa’t isa. Tulong-tulong dapat ang lahat dahil hindi ko kayang gampanan ang lahat ng ito.
Ito aniya ang pangunahin kong minimithi kung kaya’t hinihikayat ko ang lahat ng aking katunggali na kami ay magbuklod-buklod na at kalimutan ng lahat ang alitan. Huwag na rin sanang maging sagisag ang mga kulay tulad ng dilawan, pulahan, asul at rosas dahil tayong mga Pilipino ay kulay kayumanggi lahat.
Priyoridad ni BBM sa kanyang programa ang trabaho para sa lahat ng mga Pinoy upang labanan ang kahirapan, murang bilihin partikular ang pagkain, mababang singil sa elektrisidad, libreng edukasyon, libreng mga health services kasama na rin siyempre ang gamot at ospital.
Inaasam at inaasahan ng ating mga kababayan ang mga pangakong ito na harinawa’y magkaroon ng kaganapan at huwag na sanang mapako tulad ng nangyari sa nakalipas na administrasyon.
Ganon din sana ang maging layunin ng mga mahahalal na Senador, Representante, Gobernador, Alkalde hanggang Konsehal. Tulong-tulong lang at buhayin muli ang ispiritu ng bayanihan.
Sa mga hindi naman pinalad, better luck next time, huwag ng magsintimiyento de patatas, pana-panahon ang pagkakataon at ang pinakamahalaga ay mag-CONCEDE na, be a good sport.
Hindi pa man dumadating ang pormal na oathtaking, tinuturing na ng maraming Pilipino na meron ng bagong Pangulo ang Pilipinas sa pagkatao ni Ferdinand Marcos Jr. MABUHAY KA BBM!!!