Advertisers

Advertisers

VOX POPULI, VOX DEI!

0 620

Advertisers

TAPOS na ang eleksyon. May pinili na ang taumbayan kaya igalang at irespeto na natin ang tinig ng bayan.

Mahigit sa 31 milyon ang piniling pangulo ay si dating senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at nanalo ring bise-presidente ay si Davao City Mayor Sara Duterte – na tulad ni BBM ay kumuha ng mahigit ding 31 milyong boto.

Ang panalo nina Marcos Jr. at Duterte ay maitatala na pinakamalaking botong nakuha ng magkatiket sa lahat ng eleksyong nangyari sa Pilipinas.



Ika nga ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso: “Irespeto natin ang boto ng ating mga kababayan, mahirap, middle class, mayaman, iisa ang bilang.”

Ituloy na natin ang buhay sa araw-araw na pagharap sa problema, aniya: “Life must go on. We must support,” na tinutukoy ni Yorme Isko na suportahan ang darating na bagong administrasyon, at makiisa sa pagbubuo ng bagong gobyerno.



Sa mga hindi pinalad o di nanalong kandidato, move on na po tayo. Vox Populi, Vox Dei (The voice of the people is the voice of God)!
***
Isang mainit na pagbati na rin kina Vice Mayor Maria Sheilah ‘Honey’ Lacuna-Pangan at 3rd district Rep. Yul servo Nieto na kapwa iprinoklamang nanalong mayor at vice mayor nitong Miyerkoles, May 11 sa Manila City Council Session Hall. Si Mayora Honey ang kauna-unahang babaeng alkalde ng premier City of Manila.

Mula sa inyong lingkod, mabunying tagumpay sa inyo po, bagong Mayora Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo Nieto, at sa lahat ng nagwaging konsehal at kongresista ng anim na distrito ng Maynila, mabuhay po kayo!
***
Aba’y wala ng nakikitang alternatibong solusyon ang inyong lingkod sa lumalalang suliranin ng bansang Pilipinas dahil bihira na po sa mga Pinoy ang tunay na nagmamahal o marubdob ang pagmamahal sa ating Inang bayan.



Tingnan na lang po natin mga igan ang kalagayan ngayon ng ibang bansang katakut-takot ang dinanas o kabi-kabilang karahasan ang sinapit hanggang sa magising sila at nagkapit-bisig at nag-tulungan para muling iangat ang kaawa-awa nilang kalagayan.

Tulad halimbawa ng mga bansang Vietnam, China, Japan, Thailand na inuna ang kapakanan ng kanilang mga kababayan at kani-kanilang bansa bago ang mga pansariling interes.

Mantakin n’yong matapos na bombahin ng atomic bomb ng mga Amerikano noong ika-2 digmaan ang dalawang kilalang siyudad sa Japan, ang Nagasaki at Hiroshima ay hindi naging hadlang sa mga hapones ang dagok o bangungot na nangyari sa kanila.

Dahil nangibabaw ang pagiging patriotic ng bawat isang hapones ay sama-sama nilang pinagtulungan iangat muli ang kanilang bansa at ngayo’y numero unong tinitingalang industrialized country sa buong mundo.
***
Taong 1975 nang lisanin ng mga Amerikano ang kaawa-awang bansang Vietnam matapos ang mahabang digmaan ay hindi nagdalawang isip ang isa sa bawat mamamayang Vietnamese. Kapig-bisig nilang pinagyabong at pinaunlad ang kani-kanilang sakahan at mga lupain matapos ang mahabang pagsasanay o training na kanilang natutunan gamit ang iba’t ibang teknolohiyang ipinamana ng mga kababayan nating agriculturist at environmentalist dito sa bansang Pilipinas.

At dahil meron silang tinatawag na pagiging patriotic ay pinagsumikapan ng bawat isang mamamayang Vietnamese katulong ang kanilang mga pinuno sa gobyerno na paunlarin ang kanilang bayan.

Tingnan ang naging resulta mga kababayan, ang dating bansang punong-puno ng problema at mas kilala sa tawag na “killing fields” erya ay numero uno ng nag-aangkat ng primerong klaseng bigas dito sa ating bansa at bukod pa rito ang mabilis na pag-angat ng kanilang ekonomiya because of patriotism kung saan milya-milya na po ang layo sa atin in terms of development.

Ganon rin po ang bansang China at Thailand, na dati rati’y mga tinuturuan lang po natin o mga nagsanay lang po dito sa ating bansa eh lintek po ang mga tinatamasang kaunlaran ng kanilang mga kababayan kumpara ngayon sa lugmok na kalagayan ng ating ekonomiya at mga nagdarahop nating kababayan.

Iyan po ang resulta ng pagiging patriotic ng mga bansang nabanggit, maunlad na bansa kumpara sa kalagayan ng ating bansa kung saan nagkakaniya-kaniya ang mga mahihirap at mayayaman, walang direksiyon ang pamunuan ng gobyerno at walang tinatawag na patriotism kaya eto ang ating bansa bukod sa pangalawa na sa pinaka-kulelat na bansa sa Asya ay bagsak ang ekonomiya ay marami ngayon ang nagdarahop at walang makain nang dahil sa pagkakahati-hati at pansariling interes ng mga pinuno o lider ni Juan Dela Cruz.

Kailan pa po tayo magigising, mga kababayan ko, kailan?
***
Hindi katulad sa ibang bansa gaya ng Japan o sa mga bansa sa Europa ay agad na nagbibitiw sa kani-kanilang tungkulin ang mga lider kapag merong katibayang sangkot sa mga katiwalian o anumang eskandalo ang mga ito.

Sa bansang Amerika, hindi ba’t nagbitiw agad sa kanyang panunungkulan si President Richard Nixon nang masangkot siya sa “Watergate scandal”. Gayundin ang dating matikas na si Indonesia President Suharto ay agad na lumayas sa poder ng kapangyarihan nang lumawak at tumindi ang kaliwa’t kanang protesta ng mga estudyante at iba’t ibang sektor ng lipunan laban sa kanyang tiwaling gobyerno.

Ang dating matapang at diktador na si Lee Kuan Yu na bagama’t malaki ang naiambag na kadakilaan at kaginhawaan sa kanyang bansa ay kusa rin pong umalis sa kanyang puwesto hindi dahil sa siya’y pinalalayas ng kanyang mga mamamayan kundi sobrang tanda na at may edad na para manatili sa kanyang panunungkulan.

Eh, buti pa ang mga lider na nabanggit ay isinaalang-alang ang mga kapakanan ng kani-kanilang bansa at iyon ay dahil sa taglay nilang pagtalima sa mga salitang delicadeza at palabra de honor na hindi mo puwedeng asahan sa mga kasalukuyang lider ng bansa.

Ang mga katulad nina Lee Kuan Yu, Nixon, Yeltsin ng Rusya at iba pang lider sa Japan at bansang Europa ay isinakripisyo ang mga pribilehiyo, ang impluwensiya at kapangyarihan, alang-alang sa mas higit nilang nakararaming mahihirap na kababayan at pambansang kaunlaran at katiwasayan.

Sa kasalukuyang leadership ay hindi uso ang mga salitang delicadeza at palabra de honor, lahat ay gagawin sukdulan mang magdusa ang maliliit na kababayan o mahihirap niyang kababayan, magkagulo man ang bansa at madiskaril ang pambansang kapakanan at direksiyon at magkawindang-windang man ang ekonomiya ng bansa ay pansariling interes pa rin at proteksiyon para sa kanyang sarili at kapamilya ang mananaig at gagawin ang lahat o anumang paraan upang hindi maalis sa poder ng kapangyarihan.

Buti pa nga ang mga naghahanapbuhay sa club at mga puta ay kahit paano mahalaga sa kanila ang mga salitang delicadeza at palabra de honor, sey n’yo, mga kababayan ko?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.