Advertisers
PABABA na sa pedestal ang pamahalaan ni Totoy Kulambo at papasok ang bagong proklamadong pangulo ng bansa. Hindi madali ang makalimot sa anim na taong na pagpapasasa sa kapangyarihan lalo’t naharap ang pamahalaan sa ilang masalimuot na pagsubok, gaya ng EJK-ICC, pagsasara ng TV Station, bagsak na grado kontra droga, korapsyon at pandemya. Sa kabila ng kapalpakang hinarap ng pamahalaan ni Totoy Kulambo tila hindi bumaba ang popularidad nito sa Pinoy lalo yung madaling makiliti sa mga nakakalokong biro. Hindi iniinda ng bayan ang kapalpakan, sa halip natuon ang pagtingin sa dami ng mga naitumbang mga adik, tulak at mga nasabit sa laban ng iligal na droga. Halos ramdam na ng bayan ang palpak na pamamahala ni Totoy Kulambo ng pumaimbulog sa bansa ang pandemya ng C19, maging sa mundo. Dahil tumakip ito sa kontrobersya ng mga pagsubok na binangit sa itaas. Sa bigat ng naranasan ng Pinoy sa panahon ng locked down, napilitan ang pamahalaan na umutang ng pondo upang magamit sa pagbibigay ng ayuda sa mga nawalan ng trabaho at tinamaan ng sakit na pandemya. At pumasok at natapos na ang panahon ng halalan.
Sa pagpapasok ng pamahalaan ni Boy Pektus, mamanahin nito ang sangkaterbang problema lalo hinggil sa kaperahan na tuwirang biktima ang bayan dahil sa kawalan ng kaalaman sa paghawak ng fiscal position ng bababang grupo ng Inferior Dabaw Group. Hindi na kakailanganin ng isang daang araw na honeymoon period upang magamay ang pagpapatakbo ng pamahalaan. Sa halip kailangan tapakan agad ang selinyador ng mabilis na arangkada ang pagtakbo ng pamahalaang isinadlak sa utang. Ang sitwasyong ito ang larawan na hindi napansin ng nakararaming Pinoy na hindi nag-isip sa nakaraang halalan.
Ang katiyak- tiyak na magaganap ang mahirap na landasin tungo sa pagbangon sa kinabukasan. Nariyan ang nakaambang pagtaas ng bilihin, kawalan ng hanapbuhay at marami pang iba. Ngunit ang tanong saan kukuha ang pamahalaan ng pantustos upang maipatupad ang mga pangakong nabangit noong panahon ng halalan. Tila walang iiwan na pondo sa kabang bayan ang grupo ng IDG sa halip mga utang na ‘di malaman saan nagamit.
Sa isang talastasan nabangit ng kinatawan ng Albay na si Rep. Joey Salceda, kilalang economic expert na kailangan ng bansa na makalikom ng hindi bababa sa P300B kada taon upang magkaroon ng pambayad sa interes ng mga nautang nito, uulitin para lang ito sa interes at wala pa ang bayarin sa principal na pagkakautang. Dios miyong garapon, saan kukunin ng papasok na pamahalaan ang ganitong kalaking halaga. Ito ba ang dahilan ni Inday Sapak kung bakit hindi panguluhan ang tinakbuhan at hinayaan si Boy Pektus na resolba sa problemang iiwan ng amang pababa na talipandas.
Ayon kay Cong Joey, kailangan ng mahusay na titimon sa bansa lalo sa usapin ng kaperahan upang maiahon ang bansa sa kinasasadlakan. Ang mahusay na economic team ang tratranko sa takbo kung paano dadalhin ang bansa sa inaasahang pagbangon. O’ baka naman may usapan na ‘di batid ng bayan na babayaran ng pamilya ni BP ang mga pagkakautang ng bansa sa ngalan ng pagbangon ng lahi ng Anak ti Batac? At sa totoo pa rin, may mga hakbang o mungkahi ang economic team sa pangunguna ni Sec. Sonny D na hindi ikalulugod ni Mang Juan sakaling pakinggan ito ng papasok na pamahalaan. Ang karagdagang buwis, buwis at buwis.
Bigyan natin ng laman ang ilan sa binabangit na mungkahi ng Economic team ng pamahalaan ni Totoy Kulambo, una, ang ipag paliban ang Train Law ng personal tax exemption na dapat ipatupad sa 2023. Sa pagpapaliban ng personal tax exemption, inaasahang papasok sa kaban ng bayan ang higit kumulang na P97B, na isang malaking kaluwagan ito sa pamahalaan at maipagpatuloy ang ilang programang kasalukuyang ipinatutupad.. Pangalawa, ang posibleng pagtaas ng VAT coverage sa mga kasalukuyang tinatamaan nito.
Hindi lang ito, nais ng pababang economic team na alisin ang mga VAT exempted items nang mapataas ang kita ng pamahalaan. Malinaw na ang ibig pabigatin ang pasan na kahirapan ni Mang Juan ng mapataas ang revenue ng pamahalaan. Tumataginting na P142.5B ang ipapasok ni Mang Juan sa kaban ng bayan. Marami pang nakahanay na buwis na iminumungkahi, gaya ng sa gaming, mining, digital providers tulad ng tiktok at iba pa. At si Mang Juan ang tinitingnan na magsasalba sa bayan na ipinamalas mula noong 2016 hanggang sa kasalukuyan at ‘di na sana lumawig sa darating na mga taon.
Iisa ang inilalarawan ng mungkahing buwis buwis buwis, isang pamahalaang bangkarote na nasadlak sa Pilipino sa paghihirap. Walang nakitang magandang kinalabasan ang anim na taong ng kasinungalingan, at pagkukunwari na pinaniwala ang bayan sa mga pahayag na walang saysay at paghihiganti. Sa kadahilanan sa itaas, hindi mailalarawan kung paano dadalhin ng papasok na pamahalaan ang bansa. Hindi mabatid kung saan dadalhin ni Boy Pektus ang bansa na sa mga napiling tumao sa mga kagawaran ay pawang mga dati o recycled na opisyal na walang matingkad na mga nagawa sa bayan.
Nakahanay sa papasok na administrasyon ang mga opisyal na parang mga bituing walang ningning na ‘di mapanghahawakan ang nakaraan. Hindi sinisino ang galing ng mga napupusuan ni Boy Pektus subalit bilang tagapagmasid lahad na ang mga karakas diablo ng mga nais nitong iupo sa pwesto. Sabi nga ng huli, tila magkatugma ang takbo ng kanilang kaisipan, ngunit ano ba ang binabangit na kaisipan?
Sa ngayon, hindi nagsasara ang kaisipan para sa kagalingan pambansa at naniniwala na maaaring ang nakaraan ang pulutan ng aral para sa kagalingan pang kinabukasan. Ngunit umaasa na nagtetengang kawali si Boy Pektus sa mga panukalang buwis ng pababang economic team. Hindi madamot ang Pinoy sa pagtanggap sa pagbabago na mag-aangat sa kabuhayan ngunit sobra na ang bigat ng pasan nito para dagdagan pa ang hirap na dala nito. Ang mga mungkahing dagdag na buwis na papasanin ni Mang Juan ay ang hindi tangap sa kadahilanang puno ito ng mahika kung paano ginamit. Ang mga inutang na ‘di napakinabangan, hindi si Mang Juan ang dapat pumasan. Ang pangako noong nakaraang halalan na pagkakaisa’y simulan sa pagtitimon na may gaan sa balikat ng bayan at hindi buwis na papasanin sa kinabukasan. Kung ano ang mabuti sa mas nakararami ang pairalin ng ang pagbangon sa ngalan ay kagyat na matangap. Ayaw na ni Mang Juan sa buwis buwis buwis na papasanin.…
Maraming Salamat po!!