Advertisers

Advertisers

FAILURE OF ELECTION SA MALABANG, LANAO DEL SUR?

0 1,134

Advertisers

MULA noon hanggang ngayon, sumusulpot ang samu’t saring kontrobersiya tuwing may eleksiyon.

Ngunit hindi tulad ng mga nakaraang pagkakataon, ang 2022 national and local elections ay idinaos sa gitna ng pandemya.

Kung matutuloy naman ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) polls sa Disyembre ngayong taon ay mukhang ganoon pa rin ang mangyayari.



Ilang beses nang nagkaroon ng automated elections.

Gayunman, nariyan pa rin ang mga hamon, isyu ng dayaan, karahasan o kaguluhan, at marami pang iba.



Halimbawa na lamang diyan ay ang naganap sa Malabang, Lanao del Sur kung saan pinasususpinde ng isang kandidato ang proklamasyon ng nagwaging alkalde.

Naku, sa isinumiteng ‘motion to suspend proclamation’ sa Commission on Elections (Comelec) ng kampo ng natalong meyor ng Malabang na si Al-Rashid Macapodi, binanggit nito na malinaw daw na nagkaroon ng ‘failure of election’ sa ilang presinto sa kanilang bayan.



Sinasabing sa election day daw ay may mga nangyaring kaguluhan na nagresulta pa sa pagkamatay at pagkasugat ng ilang tao.

Binanggit sa mosyon ng mga petitioners na seryoso ang kanilang alegasyon kaya’t kailangang suspendihin daw agad ang proklamasyon ni mayoralty candidate Dagar Balindong.

Kung sakali naman na naiproklama na si Balindong bilang winning candidate bago ilabas ang desisyon, dapat daw na kanselahin ng komisyon ang proklamasyon ng nanalong alkalde.

“Considering the seriousness of the allegation, there is a need to immediately suspend the proclamation of the respondent Balindong. And in the event that the respondent was already proclaimed, then to immediately annul the proclamation,” saad sa mosyong inihain ni Macapodi. “The petitioner is willing to put up a bond to answer for the damages that may be caused by this petition in the amount that may be determined by this Honorable Commission.”

Ang mga karahasan ay nasaksihan daw mismo nina Aminoden Macapodi at Aliya Tangcolo na kung hindi ako nagkakamali ay kasama sa mga tumatayong petitioners sa kaso.

Natigil daw ang botohan nang pasukin ng mga supporters ni Balindong ang ilang voting precincts.

Hindi pa raw nakuntento, aba’y kinumpiska pa ang ilang mga balota?

Dahil nga raw sa takot na madamay sa kaguluhan, nagpasya ang maraming botante na umuwi na lamang.

Kaya hindi na nakaboto ang mga ito.

Nag-viral pa sa social media ang ilang videos na patunay daw na nagkaroon talaga ng karahasan o kaguluhan.

Nasa 7,878 daw ang mga botante sa mga apektadong presinto.

Kinabibilangan ito ng Chinatown (POB) Precinct No. 0001A, 0001B, 0002A, 0003A, 0004A, 0004B, 0005A; Banday Precinct No. 0006A-0006B, 0007A, 0007B, 0008A, 0008B, 0009A, 0010A; Campo Muslim Precinct No. 0011A, 0011B, 0012A, 0013A, 0014A, 0015A, 0016A, 0017A, 0018A, 0019A, 0020A, 0021A; BPS Village Precinct No. 0022A-0027A; Corahab Precinct No. 0028A-0038A; Pasir Precinct No. 0039A-0044A, Bagoaingud Precinct No. 0078A-0079A; at Betayan Precint No. 0118A-0118D ng Brgy. Campo Muslim na pawang sa bayan ng Malabang.

Kahit pa raw inilagay sa Comelec control ang Malabang ay hindi pa rin daw ito nakasapat para pigilan si Balindong at mga supporters nito sa paghahasik ng karahasan na naging sanhi upang hindi makaboto ang ilang residente.

Kung susuriin nga naman ang kabuuang bilang ng mga botante sa mga apektadong presinto, masasabing iba marahil ang naging resulta ng halalan kung silang lahat ay nakaboto nang malaya.

Bunga nga nito, mahalagang pagtuunan ng pansin at tutukan nang husto ang kasong ito sa lalong madaling panahon, partikular ng Comelec, at nang hindi na maulit pa ang mga kaparehong bayolenteng sitwasyon tuwing may eleksiyon.

* * *

PARA naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat po at stay safe!