Advertisers
DALAWANG posibleng tagumpay na misyon ang ambisyon na maisakatuparan ni International Master( IM) Paulo Bersamina ng Pilipinas kaugnay sa kanyang mabunga nang chess career at sa akademya.
“Pareho ko pong nais na matupad ang maging GrandMaster sa chess at degree holder sa pag- aaral . Sa ngayon po ay naisasakripisyo ko ang pag-aaral dahil sa dami ng aking nakatakdang mga kumpetisyon lokal at international pero magtatapos din po ng edukasyon sa tamang panahon.Iba kasi pag may diploma,” wika ng 24- años na Letean standout noong high school at National University varsity player.
Mula sa pamilya ng chess players,halos mapuno na ang kanyang istante sa mga napanalungng medalya at tropeo mula sa mga collegiate competitions, invitationals,grassroot sports tulad ng Palarong Pambansa at Batang Pinoy at mga international competitions tulad ng SEA Games, Asian Indoors at Chess Olympiads kung saan ay markado ang lahat ng kanyang laban.
” Ang motibasyon ko po ngayon ay ang matupad ang pangarap ng lahat ng chess players na titulong GrandMaster na sobrang lapit ko na sanang maabot kundi lang nagka- pandemya. Bata pa naman po ako kaya patience lang at dedikasyon ay kayang abutin ang ambisyon”, ani pa Bersamina na nagpasalamat sa kanyang yumaong ama na nagturo sa kanya ng larong chess na todo suportado ng kanyang ina at dalawang kapatid na chess players din.
Nagpapataas din ng kanyang adrenaline ang motibasyong talunin ang Asean chess powerhouse na Vietnam men’s team upang sa mga susunod ng SEAGames ay gintong medalya sa chess naman ang kanyang maiuwi para sa Pilipinas.
Si multi- international chess madalist na si Bersamina at GM Darwin Laylo ay magkatambal na nasungkit ang men’s team rapid silver medal nitong nakaraang SEAGames sa Hanoi ,Vietnam.
Napakasarap aniya ng pakiramdam ng lumalaban para sa bayan kung saan ay segunda lamang ang aspeto ng insentibo sa karangalang iniambag sa Pilipinas.
Hindi rin sinisisi ni Paulo ang mga panahong ang pagiging bata o musmos nìya noon ay inagaw ng chess dahil rewarding naman ang sakripisyo upang maging isang mabuti, produktibo, disiplinado at makabuluhang mamamayan ng bansa .
“Optimistiko po ako na pareho kong matutupad ang ambisyong maging chess Grandmaster at isang degree holder sa tamang panahon,” saad ni Bersamina kasabay ng kanyang pasasalamat sa kalinga ng Philippine Sports Commission (PSC),
Philippine Olympic Committee(POC),National Chess Federation of the Philippines(NCFP) coaches, kay GM Jayson Gonzales kapwa players gayundin sa Professional Chess Association of the Philippines(PCAP)at private sponsors.
Tampok sa pinaghahandaan ni Paulo ay ang susunod na edisyon ng Chess Olympiad sa India. (Danny Simon)