Advertisers
PORMAL nang hiniling ng prosecutor sa International Criminal Court (ICC) sa pre-trial chamber ang pagsasagawa na ng imbestigasyon sa “war on drugs” ng Duterte administration.
Matatandaang una nang sinuspinde noong November ng nakalipas na taon ang imbestigasyon dahil sa request ng Department of Justice (DOJ).
Subalit sinabi noong Sabado ng ICC prosecutor na si Karim Khan mula sa The Hague, ang kahilingan noon ng gobyerno ng Pilipinas ay hindi na kailangan kaya dapat umanong bilisan na ang imbestigasyon.
Iginiit daw ni Khan na nabigo umano ang pamahalaan ng Pilipinas na ipakita na talagang iniimbestigahan ang maraming kaso sa pagpatay sa mga police operations.
Sa 53-pahina na dokumento tinukoy daw doon ni prosecutor Khan na ang imbestigasyon na ginawa ng gobyerno ng Pilipinas ay hindi naman daw talaga sumasaklaw sa tunay na imbestigasyon ng prosekusyon.
Naniniwala rin ito na hindi naman umano iniimbestigahan ang ilang opisyal na responsable sa kuwestyunableng pagkamatay ng ilang mga hinihinalang sangkot umano sa droga.
Hindi rin naman tinanggap ng ICC prosecutor ang pahayag ng DOJ dahil kakaunti lamang daw ang inimbestigahan nito sa pagitan ng November 2011 hanggang March 16, 2019.