Advertisers
PINANGALANAN na ng Senado ang ilang matataas na opisyal ng Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture (DA) na sinasabing mga protektor at smuggler ng agricultural products sa bansa.
Pinirmahan ng 17 senador ang committee report na inilabas ng Senate Committee of the Whole kung saan nakalista ang 22 pangalan na hinihinalang protektor at smuggler ng produktong agrikultura matapos ang ilang buwang imbestigasyon.
Ibinase ang listahan sa intelligence report na natanggap ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Kabilang dito sina BOC chief Rey Leonardo Guerrero, DA Usec. Ariel Cayanan, Customs Deputy Commissioner for Intelligence Group Raniel Ramiro, Customs Deputy Commissioner Vener Baquiran ng Customs Revenue Collections Monitoring Group, Director Jeoffrey Tacio ng Customs Intelligence and Investigation Service at Atty. Yasser Abas ng Customs Import and Assessment.
Nasa listahan din sina Bureau of Plant Industry Director George Culaste, BFAR Director Eduardo Gongona at Laarni Roxas ng BPI-PQSD (Region 3).
Hindi naman idinetalye sa report kung ano ang kanilang naging partisipasyon sa umano’y smuggling.
Kabilang din sa listahan ang isang Toby Tiangco at isang Mayor Jun Diamante at Gerry Teves kasama rin sa listahan ang 10 iba pang indibidwal.
Nauna nang sinabi ni Sotto na ibinigay na niya ang listahan kay President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at inaasahang lilinisin ang DA kapag umupo na bilang kalihim ang huli.
Base sa imbestigasyon ng komite, nakalulusot ang mga smuggled products dahil kulang at hindi pa rin fully digital ang inspeksyon ng BOC sa mga pantalan. (Mylene Alfonso)