Libre lang sa Bagong OsMa: Residente ng Maynila, ‘di na kailangang pumunta ng pribadong ospital – Isko
Advertisers
HINDI na kailangang pumunta sa mamahalin at pribadong ospital ng mga residente ng Maynila ayon kay Manila Mayor Isko Moreno dahil mayroon ng Bagong Ospital ng Maynila na nagkakaloob ng libreng gamutan na tulad ng mga high-end na mga ospital.
Tiniyak din ni Moreno sa lahat ng barangay chairmen, teachers at empleyado ng City Hall na sila ay ma-a-accommodate sa nasabing ospital kung saan may nakalaan sa kanilang special suites sakaling sila ay magkasakit.
Ito ang ipinahayag ng alkalde makaraang pangunahan niya ang inagurasyon ng nasabing ospital kasama si incoming Mayor Honey Lacuna at incoming Vice Mayor Yul Servo. Kabilang din sa inagurasyon sina Manila Health Department chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan, city engineer Armand Andres, city electrician Randy Sadac at Sta. Ana Hospital Director Dr. Grace Padilla.
Sa kanyang talumpati ay ginunita ni Lacuna, na isang doktor noong panahon ng kanyang residency sa nasabing ospital ay kailangan pa silang maghagilap ng pathology machine. Sinabi naman ng alkalde na may mga pagkakataon na kailangan na maghanap ng pera ang kanyang nasasakupan para makapagrenta ng incubator.
Sinabi ni Moreno na ang lahat ng ito ay bahagi na ng nakaraan at inaanyayahan niya ang lahat ng Manileño na dalawin ang bagong ospital upang makita ang mga state-of-the-art facilities dahil pera naman ng taumbayan ang ginamit sa pagpapatayo at pagbili ng mga modernong gamit sa loob ng ospital.
Nanawagan din si Moreno sa lahat ng barangay chairmen na patuloy na suportahan si Lacuna at Servo gaya ng kanilang ginawa sa loob ng tatlong taong panunungkulan niya bilang Manila mayor, hindi aniya sapat ang pagsisikap ng mga city officials para sa tagumpay ng kahit na anumang administrasyon kung wala ang suporta ng lahat ng barangay.
Pinaringgan din ng alkalde ang kanilang karibal sa pulitika na siyang naging dahilan ng delay sa release ng mga allowances ng mga senior citizens. Tiniyak ni Moreno na sa ilalim ng panunungkulan ni Lacuna bilang alkalde ng Maynila ang lahat ng benefits ay magpapatuloy at walang delay na magaganap.
Ipinagmalaki ni Moreno na magagampanan ni Lacuna ang trabaho nang matagumpay dahil bahagi ito ng lahat ng proyekto ng administrasyon sa loob ng tatlong taon.
Ayon kay Moreno ang newly-inaugurated, ten-storey hospital ay may mga katangian tulad ng fully-airconditioned; embedded, piped-in oxygen; electric- operated beds, MRI machine, infant warmer, anethesia machine, digital mammogram, portable x-ray, cath lab, bronchoscop, endoscopy, laparoscopy, 4d ultrasound, digital x-ray, cloroscopy and a CDT scan machine, at iba pa.
Samantala ay pinangunahan nina Moreno at Lacuna ang inagurasyon ng newly-rehabilitated San Andres Sports Complex. (ANDI GARCIA)