Advertisers
Calauag, Quezon – Pinasok sa kanilang bahay at iginapos ng dalawang magnanakaw ang tatlong miyembro ng isang pamilya at dalawang kasambahay at nilimas ang mga mahahalagang kagamitan at pera, Lunes ng umaga sa sa Barangay Poblacion dito.
Kinilala ang mga biktima na sina Bienvenida Rosas, 52 anyos, at dalawang menor de edad na apo nito na edad 14 at 7 anyos na mga lalake, gayundin ang mga kasambahay na sina Jenalyn Agapay, 34; at Jackielyn Ardevela, 25.
Ayon sa report, pumasok sa harap na pintoan ng bahay ang dalawang magnanakaw at agad iginapos ang may ari ng bahay na si Bienvenida at ang dalawa nitong apo gamit ang nahagilap na tape, belt at extension wire.
Nagulat din umano ang dalawang kasambahay nang dumating sila para sana maglilinis ng bahay nang bigla silang sunggaban ng mga magnanakaw at iginapos din, bago nilimas ang mga alahas na nagkakahalaga ng P600,000, P7,000.00 cash, 6 na cellphones, 2 unit ng I-Pad na nagkakahalaga ng P60,000.00, isang 32 caliber na baril na nagkakahalaga ng P35,000.00, susi ng sasakyan na Toyota Montero at ATM cards na pag-aari lahat ng ni Bienvenida.
Pinagbantaan pa umano sila ng mga magnanakaw na papatayin kapag nagsumbong sa mga otoridad bago tumakas.
Nagsasagawa pa ng follow up investigation ang mga operatiba ng Calauag PNP sa insidente.