Advertisers
APRUB SA AKIN ang unang tirada nina Pangulong Bongbong Marcos, Jr. at DSWD Secretary Erwin Tulfo sa unang araw ng kanilang administrasyon.
Binaril agad ni PBBM ang bill ng kanyang sister, Senator Imee Marcos, para sana sa eco zone, airport at freeport sa Bulucan.
Malaki kasi ang mawawalang buwis sa gobierno kapag naisabatas ang naturang bill.
Inatasan din ni PBBM si Sec. Tulfo na linisin ang listahan ng 4Ps.
Sa ngayon kasi ay marami sa beneficiaries ng 4Ps ang “hao-shiao”, hindi naman talaga kabilang sa “poorest of the poor”.
Pinare-release narin sa DSWD ang mga delayed pension ng seniors. Yahoo!!!
At may matinding babala si Sec. Erwin sa mga tauhan ng DSWD: Bawal isnabin o tarayan ang mga nanghihingi ng tulong sa ahensiya or else sila’y masususpinde.
“Dahil po ang mga mahihirap ‘yang mga lumalapit po sa atin ay mahihirap, mga single mom, matatanda, PWDs, may mga sakit, mga katutubo, mga batang palaboy o inabandona, ay mga kliyente at customer po ng ahensiyang ito. ‘Di po natin sila puwedeng balewalain at bastusin nalang,” say ni Tulfo sa flag raising ceremony ng DSWD nitong Lunes.
Nitong Lunes ng umaga pinulong ni PBBM ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) para pag-aralang mabuti ang mga programa na lulutas sa problema ng ating mga magsasaka.
Si PBBM ang pansamantalang namumuno sa DA.
Pinaaayos din ni PBBM sa Metro Manila Department Authority (MMDA) ang grabeng trapik sa EDSA na nasaksihan niya mismo nang pumunta sa tanggapan ng DA.
Kung ako ang tatanungin, ipaaalis ko sa MMDA ang mga barrier sa EDSA, buksan lahat ng intersection at ibalik sa 2-way ang mga ginawang one-way sa secondary roads para makadiskarte ang mga motorista kapag trapik sa main roads.
Dapat ding linisin uli ng DILG ang mga illegal parking sa secondary roads at looban, matapos magsibalikan nang lumamig ang “nationwide clearing operations” ng ahensiya.
Let’s do it, DILG Sec. Benjur Abalos, Sir!
***
May panawagan kay PBBM ang mga tindera ng luya sa Divisoria, Manila: Hindi na raw sila kumikita sa pagtitinda ng lokal na luya gawa ng pagbaha ng mga imported.
Naaawa rin sila sa mga nagtatanim ng luya dahil walang bumibili. Dahil mas mura ang imported na luya, P300 plus lang ang isang box.
Mas maganda ang kalidad ng ating luya, sabi ng tindera. Kaya lang ay hindi maibenta ng kasing mura ng imported na luya. Talo!
Itong mga sibuyas at bawang dapat hindi rin ito ini-import ng DA. Napakarami nating mananamim ng bawang at sibuyas sa mga probinsiya eh.
Dapat ipagbawal na ni President at DA Sec. BBM ang importasyon ng mga ganitong agricultural products para kumita na ang ating mga manananim ng luya, bawang at sibuyas. Mismo!
***
Pinasasalamatan ko sina Congw. Jaye Lacson-Noel ng Malabon City, Sen. Riza Hontiveros at Sen. Joel Villanueva sa ibinigay nilang “GL” para sa batang pasyenteng si Mariene Elyz Condes-Venancio na naka-confine sa Philippine Children’s Medical Center. Thank you, mga ninang at ninong. Mabuhay!!!