Advertisers

Advertisers

NAGSIMULA NA

0 442

Advertisers

TINAPAKAN na ang silinyador ng pamahalaan ni Boy Pektus at umaarangkada na ang sasakyan patungo sa pagseserbisyo para sa bayan. Nariyan na ang pag veto sa isang panukalang batas na naglalagay sa isang bayan sa Bulacan bilang economic zone. Ngunit hindi ito naging malasa sa baba este sa dila ng kapatid ni BP bilang principal author ng panukalang batas na mukhang sadyang hindi pinirmahan ng tuluging pangulo bilang regalong batas sa kakapasok na pamahalaan. Inilabas din ang Memo Circular #01 na nagsasaad ng pagbaba ng mga political appointees ng nakaraang pamahalaan higit ang mga coterminous na naitalaga. At ang pagtatalaga ng mga OIC sa mga opisina ng pamahalaan na kailangan ng tuloy – tuloy na pagganap sa kanilang mandato. Nariyan din ang pagpapalawig sa programa sa libreng sakay sa mga pasahero hanggang sa katapusan ng taon, at marami pang iba.

Nakagagalak ang ganitong balita lalo’t ang tama ng serbisyo’y tuwiran kay Mang Juan. Ngunit huwag masiyahan Mang Juan, subukang bumaba sa mga pamilihan ng malaman kung ano ang kalagayan na kinakaharap. Malalaman na malaki ang itinaas ng presyo ng mga bilihin lalo’t ang malapit sa iyong mga pangangailangan. Hindi na kaya ng limang piso ang isang sibuyas, kamatis maging ang kalamansi sa mahal nito. Kulang ang limang daan sa maghapon kung bibili ng ibig lutuin at kakainin. Sa mahal ng bigas at uulamin tiyak na hindi ito ang inaasahan sa paghalal sa itinuturing mong mag-ahon ng bayan.

Sa pagtiyak na may mabibili, ang isa pang usapin ang nagpapahirap sa mga manininda sa palengke na maghanap ng paninda na pasok sa budget ng karaniwang tao, mga suki sa tindahan dahil sa mahal ng presyo. Paano pa ang patong upang kahit paano’y may kitang maiuwi. Ang mabigat pa nito, kailangan nang maglaan ni Aling Marya ng konting halaga para sa baon ng mga anak na pinayagan na ng face-to-face classes. At ito ang pinuntahan ng umentong tinanggap ng nakaraang panahon ‘di pa kasama ang tumaas na premium ng Philhealth na di naman nagtaas ng benepisyo sa mga working class.



Sa kasalukuyan, mukhang nagbabago ng pahayag ang ilang economic team ni Boy Pektus na tila nauubusan ng yabang ng pagiging kampante sa dami ng utang, pagbaba ng halaga ng piso at ang patuloy na tumataas na presyo ng bilihin. Siyempre, nariyan ang mga excuses tulad ng giyera sa Ukraine at Russia na nagpapahirap ng pagdaloy ng kalakal patungo sa bansa. Ang kagandahan nito, hindi binabangit ang pagpapabaya ng nakaraang administrasyon gayong ito ang may kagagawan ng lumolobong utang ng bansa. Ngunit parang hindi na mahalaga sa kanila ang nakaraan dahil ang punto dito’y mapalakas ang ekonomiya sa susunod na taon. Ibig ng economic team na mapataas ang GDP ng bansa sa mga susunod na taon at kasunod nito ang pagbaba ng kahirapan ni Mang Juan. Ngunit huwag magpakampante, projection ang binanggit at ang lahat ng ito’y muling babalikatin ni Mang Juan. At ang basehan nito’y ang karaniwang pinanggagalingan ng kaperahan ng pamahalaan.

Sa totoo lang, hindi nga kayang ibigay ng pamahalaang ito na alisin ang buwis na ipinapataw sa produktong petrolyo na tuwiran ang pakinabang ng mamamayan. Sa taas ng halaga ng bilihin hindi gumagalaw ang piso sa merkado upang kumiliti sa ekonomiya ng bansa na siyang pwedeng pagbasehan ng pagtaas ng GDP. Hirap sa pantustos si Aling Marya, maging si Pedrong Tsuper na walang maiuwi sa bahay upang magastos ng pamilya. Maganda ang balak ngunit saan kukuha ng bala upang ang ekonomiya ng bansa’y kumilos pataas. O’ kampante ang administrasyon ni Boy Pektus na magagawa ito kung magkakaisa ang Pilipino na matanggap ang liderato nito at kalimutan ang nakaraan at malinis ang ngalan ng ama. Kung magkagayon, ang pagbabalik ng mga ginto sa bansa na matagal ng hawak ng mga ito’y gagawin sa kondisyon sa itaas.



Sa totoo lang, kung babalikan ang pahayag ni Boy Pektus noong inagurasyon tila nadulas ito sa pahayag hinggil sa mga gintong hawak ng pamilya na ibig gamitin sa paglilinis ng kanilang ngalan. At kung pagbabasehan ang pahayag ng economic team nito, tila may pinaghuhugutan itong ginagamit na kung ano upang itaas ang kabuhayan ng bawat Pilipino. At kung sa karagdagang buwis ang pagkukunan, hindi kakikitaan ng basehan ang mga pahayag na maitaas ang Gross Domestic Product (GDP) dahil hindi mapapanatili ang purchasing power ng mamamayan dahil sa mahal ng bilihin kontra sa mababang sahod.

Sa kabilang banda ng timon, tila makikita ang ugali ni Boy Pektus na unti – unting naiinis sa mga kritiko lalo yung lantarang naglalabas ng pahayag kontra sa liderato nito, partikular ang mga estudyante ng ilang unibersidad. Nariyan na pinapa-aral nito sa kalihim ng edukasyon ang kondisyon ng mga scholarship program ng mga mag-aaral sa mga pamantasan ng bansa. Na kung tutuusin ay ‘di kasama sa mandato ng kagawaran ng edukasyon. Ngunit hindi ang puntong ibig diinan, ang kanaisan ni Boy Pektus na mawala ang mga estudyanteng kritiko na ginagamit ang lansangan bilang lugar na aralan. Ang pagpapahayag ng mensahe laban sa pagkakapanalo at maging sa karanasan sa administrasyon ng ama’y tunay na ikinairita nito. Tila hindi tanggap ang kritisismo at ito ang dahilan kung bakit nais nitong ipag aral ang programang libreng matrikula o subsidy sa mga pamantasan.



Sa pag-aaral sa alituntunin ng libreng matrikula, nais ni BP na mabigyan aral ang mga estudyante na gamitin ang panahon sa pag-aaral sa apat na sulok ng silid aralan sa halip na sa kakalsadahan. Dahil maaaring mawala ang programang ito kung magpapatuloy ang mga kilos protestang ikinakasa kontra sa pamahalaan. At tila nakuha nito ang ibig ng USEC ng DILG na nakatalaga sa National Youth Commission (NYC) kahit gayot na ang mamang ito.

Sa kasalukuyan, maraming nakapilang gawain si Boy Pektus para sa kagalingan ng bayan, ngunit hindi kinakalimutan ang mga taong tumulong noong nakaraang halalan. Mahaba ang pila ng mga ito na umaasa na nakasungkit ng pwesto sa pamahalaang ito. Sa katunayan, maganda ang posisyong makakamit sa dami o bigat ng naiambag sa pagkapanalo. Nariyan ang mga lumang pangalan o kaalyado na nakalagay sa magandang pwesto na maaaring magamit sa darating na panahon. May lumang mukha ngunit bago sa tungkulin na karaniwang makikita sa mga teleserye. Nariyan ang ilang sumusubok na muling makilala ng pamilya ni Boy Pektus na nagpaparamdam kahit walang ambag sa panalo at dumistansya sa panahon ng madilim na kahapon. At sa huli, nariyan si Mang Juan na sa pagsisimula ng pamahalaan ni Boy Pektus umaasa sa mga ipinangakong ‘di mapako…. Maraming Salamat po!!!