Advertisers

Advertisers

KUTSABAHANG MAGPAPATAAS NG PRESYO NG KURYENTE

0 457

Advertisers

Bahagyang naibsan ang pasakit ng taumbayan nang utusan ng Energy Regulatory Board ang Manila Electric Company (Meralco) na ibalik sa mga subscribers nito ang halagang 28.1 bilyong pisong sobra sa singil nito sa koryente. Kaya nga sigaw ng ibang kababayan natin ay “Sana Ol!”

Oops, huwag muna tayo mag-diwang! Sapagkat may mas mabigat na pasaning krus na babalikatin ang ating mga kababayan kapag pinakinggan naman nitong ERC ang tatlong higanteng korporasyon ng koryente, ang Meralco, ang South Premier Power Corporation, at ang San Miguel Electricity Company (SMEC). Ang apela ng mga ito na makahulagpos sa probisyon ng fixed price sa loong ng kanilang Power Supply Agreement (PSA), na mistulang nagsisilbing pader ng mga middle class at small business power consumers upang hindi nila maramdaman ang hagupit ng pagtaas ng presyo ng singil sa koryente.



 

Marapat lang talagang ma-expose sa taumbayan kung ano ba itong iginigiit na apela ng tatlong korporasyon na ito sa ERC. Sa madaling salita, gusto nilang makahulagpos sa pinagkasunduang pirmes na presyo ng kuryente na itinatakda ng PSA.



 

Marahil hindi batid ng karamihan ng ordinaryong Juan Dela Cruz na pumapasok sa kasunduan o kontrata ang mga generator ng kuryente, tulad ng SMEC at SPPC, upang mag-supply ng power, at ito ay bibilhin ng mga distribution utility tulad ng Meralco upang i-distribute ang koryente sa mga customers or end-users. Ang kasunduan ng Meralco sa SMEC at SPPC ay fix-price ang per kilowatt-hour, upang maproteksyunan ang mga customer nila sa pabago-bagong presyo ng produksyon ng koryente dulot na din ng pabago-bagong presyo ng langis o coal. Alam naman natin na ang mga produktong petrolyo at coal ang kalimitang gamit na panggatong sa pag-produce ng koryente.



 

Naturalmente, bago magkalagdaan ng PSA, inaral na mabuti ng mga korporasyon na ito kung magkano ang kanilang tutubuin sa sistema ng fix price maski pa tumaas ang halaga ng presyo krudo sa merkado.

 

Ang tanong ngayon: bakit bigla silang mag-aapela na pansamantalang suspendihin ang mandato ng PSA? Ang dahilan nila ay masyado daw mataas ang presyo ng krudo dahil sa gyera sa Ukraine. Ang gusto, makahulagpos na sila sa PSA upang malaya nilang maitatakda ang presyo ng singil sa koryente ng naayos sa nais nila.

 

Aba teka lang! Huwag n’yo namang gawing bastardo ang PSA. Dahil ba sa hindi pumapabor sa laman ng mga bulsa ninyo ang kasalukuyang pagtaas ng presyo ng langis ay bigla na lang kayo huhulagpos sa kasunduan?

 

Hindi yata makatwiran ito? Sa panahong hindi pa halos nakakatindig ang taumbayan bunga ng dagok ng pandemya, dagdag na singil ang ipapa-pasan ninyo sa kanila? Bakit noon taong 2020, kung kailan bumagsak ang presyo ng langis at coal, fixed-price ang PSA, at malamang nagkakamal kayo ng malaking tubo, umangal ba ang mga consumers at subscribers ninyo at nag-apela na makawala sila sa kontratang nagpako ng presyo ng singil sa koryente? Noong mura ang presyo ng produktong petrolyo, naglagak ba ng apela ang Meralco upang ibaba ang presyo ng kuryente sa PSA upang para sa kapakanan ng 7.5 milyon nitong mga customers?

Malinaw na dikta ng kasakiman ang nananaig sa Meralco, SMEC, at SPPC kung kaya nagkutsabahan ang mga ito na hilingin sa ERC na mapawalang-bisa ang kontrata sa kanila. Dapat maging matalas ang ERC sa mga ganitong mga patutsada at istilo ng panlalamang sa kapwa nitong tatlong korporasyon na ito. Ang tamang gawin ay ibasura ng ERC ang apela ng Meralco, SMEC at SPPC at huwag hayaang mabastos ang mandato ng ERC at insultuhin ang kapangyarihan nito sa walang katuturang kapritso ng mga dambuhalang korporasyon ng koryente na pagsamantalahan ang isyu ng gyera sa Ukraine para tumubo pa sila ng malaki.