Advertisers
PANSAMANTALANG dumako naman tayo mga KASIKRETA sa pamosong Immaculate Concepcion Parish, sa Antipolo City na lalong kilala bilang Antipolo Cathedral sa pusod ng syudad ng Antipolo.
Hindi maubos maisip ng inyong lingkod kung papaanong nasisikmura ng hepe ng kapulisan ng Antipolo City at ni Rizal PNP Director, P/Col. Dominic Baccay ang ipinarating sa ating reklamo ng ilang concerned citizen ng nasabing lungsod na may nag-ooperate na mga pasugalan sa tabi lamang ng Antipolo Cathedral.
Kahit sa panahong ito ng pandemya ay patuloy na dinarayo ng mga namamanata ang nasabing simbahan para mag-ukol ng taimtim na dalangin sa Our Lady of Peace and Good Voyage, ngunit umaalis doon na dismayado ang mga deboto.
Mangyari kasi bago makapasok sa Antipolo Cathedral, ang natatambad sa kanila ay ang mga pasugalan ng isang alias Bert na halos ay mag-iisang buwan nang nakalatag sa di kalayuan sa simbahan.
Kaya naman hindi makapag-ukol ng taimtim na dalangin ang mga deboto sa gitna ng alalahanin na para na ring nasa gitna sila ng gambling den.
Kasabay halos sa pag-upo sa pwesto bilang gobernador ni Honorable Nini Ynares ay bigla ding sumulpot itong si Bert sa Antipolo City at walang pakundangan ngang naglatag ng kanyang kunyari ay mini-carnival na pulos pasugalan naman ang pinagkukumpol-kumpulan ng mga taong nagtutungo doon.
Ipinamamalita ni Bert na kaalyado siya ng gobernadora kaya walang kuskos-balungos na nakapaglatag ito ng perya-sugalan sa nasabing lugar.
Hindi natin makumpirma ang ipinagbabanduhan nitong si Bert na “anointed one” siya ni Gobernadora Ynares, para makapaglatag ng mga pasugalan malapit lamang sa Antipolo Cathedral?
Wala sa katinuan si Gov. Ynares kung totoo ang ipinangangalandakan nitong si Bert? Siguro kung residente lamang ng Antipolo City ang inyong lingkod baka sakaling nasugod na natin at napagsisipa itong damuhong si Bert, pati na ang mga mesa ng kanyang color games, beto-beto, sakla, cara y Cruz at ipa pang gambling paraphernalia.
Walang sninumang opisyales at miyembro ng kapulisan ng Antipolo City maging ultimo hepe ng mga ito ay di makapanghimasok sa operasyon ni Bert, mistulang urong ang mga bayag ng mga ito kapag binanggit na ni Bert ang pangalan ni Gobernador Ynares?
Sobrang kapal din talaga ng apog ng operator ng naturang pasugalan, sa laki ng land area ng Antipolo City, ay bakit nga naman doon pa sa tabi ng simbahan ng Antipolo Cathedral ito nagpumilit na maglatag ng kunyari ay mini-carnival na pulos pasugalan naman.
Kahit na karnabal at anumang amusement center ay mahigpit na ipinagbabawal na ipatayo malapit sa alinmang simbahan sa bansa.
Ngunit bakit itong mini-carnival na kilala ding perya-sugalan (PERGALAN) ni Bert ay nagawang maipwesto doon. Bakit???
Ipinagyayabang kuno nitong kapal muks na pergalan operator na may permit to operate siya mula sa Antipolo City LGU para magpatakbo ng amusement center kalapit nga lamang ng Antipolo Cathedral.
Ngunit namumutiktik na mga mesa ng labag sa batas na table at card game ang inilatag doon ni Bert at ng kung tawagin ay “poste” nito na si alias Lito Bagsak.
Kaya naman PD Baccay, kung hindi matugunan ng iyong police chief ang pag-aksyon laban sa pergalan nitong si Bert sa tabi ng Antipolo Cathedral, aba ay dapat naman ikaw mismo ang magpursiging maputol na ang kalokohang ito. Kung hindi, baka sumpain kayo ng langit?
Sa munisipalidad ng Lemery, Batangas, ay halos katulad din ng problema ng taga-Antipolo City ang kinakaharap ng mga residente.
Sa bakanteng lupain na nasa pagitan ng SM at Xentro Mall ay bigla na lamang sumulpot ang mga pasugalan ng isang Gigi, kasabay halos ng pag-upo sa puwesto ng newly elected Mayor Ian Alilio.
Nagugumon na tuloy sa pagtaya sa iligal na sugal ang maraming residente ng Brgy. Palanas na kinatitirikan ng perya-sugalan ni Gigi, pagkat liban sa color game, beto-beto, cara y cruz, drop balls at iba pang bawal na sugal ay may bentahan din pala doon ng shabu.
Kapag sinisita naman ng mga naglalakas loob na concerned citizen kung bakit sa pinaka-sentro pa ng bayan ng Lemery nagpatayo ng mga pasugalan si Gigi ay laging ang kasagutan nito ay “kayo na ang magtanong kay Mayor Ian”!
Hindi tuloy malaman kung ano raw ipinakain ni Gigi kay Mayor Ian Alilio, gayong kabago-bago pa lamang nito sa kanyang tungkulin.
Nang ang namayapang Mayor Larry Alilio, ama ni Ian ang nakaupong Alkalde sa bayan ng Lemery ay walang nangahas na gumamit ng kanyang pangalan lalo na kapag ang nakataya ay gawaing iligal.
Hindi rin pumapayag si late Mayor Larry na salaulain ng mga iligalista ang kanyang munisipalidad lalo na sa pagpapatayo ng iligal na pasugalan sa pinakasentro pa naman ng nasabing bayan.
Ngunit bakit tila nagbago ang ihip ng hangin sa Lemery pagkaupo nitong batang Mayor Alilio?
***
Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.