Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
HINDI lang magaling na dancer at aktres ang fast-rising star na si Quinn Carillo.
Bukod sa sunud-sunod na ang acting projects, umaarangkada rin ang kanyang karera bilang isa sa pinaka in-demand na screenwriter sa industriya.
Hindi lang ang award-winning at acclaimed directors tulad nina Joel Lamangan at Louie Ignacio ang humanga sa kanyang brilyo sa pagsusulat kundi ang Cinemalaya acclaimed director na si Carlo Obispo na matagal na niyang bet na makatrabaho.
Katunayan, dahil sa pagiging prolific niya bilang writer, sobrang naa-amazed sa kanya ang kanyang mga kapanabayan lalo pa’t napagsasabay niya ang acting at scriptwriting.
May mga nagsasabi ngang siya ang puwedeng sumunod sa yapak nina Lualhati Bautista, Bela Padilla at maging Raquel Villavicencio.
Ani Quinn, malaking bagay daw ang time management kaya niya nagagawa ang dalawang larangang kapwa mahal sa kanya.
Nakatulong din daw na observant at resourceful siya kaya nakakagawa siya ng mga epektibong kuwento bukod pa sa mga personal na karanasang kanyang pinaghuhugutan.
Sa next project, muli siyang magbabalik sa pagbibida sa pelikulang “Showroom”pagkatapos na maging lead sa Vivamax movie na “Biyak” ni Joel Lamangan na siya rin ang sumulat ng iskrip.
Sa naturang proyekto, gagampanan niya ang role ni Liezl, isang ambisyosang real estate broker na kinakalakal ang katawan para makamtan ang kanyang pangarap na iahon ang pamilya at umasenso sa buhay.
Hirit ni Quinn, inspired daw ang kanyang ideya sa sinabi sa kanya ni Direk Adolfo Alix, Jr. na mag-conceptualize siya ng isang materyal na “Segurista” ni Tikoy Aquiluz ang peg.
Tungkol naman sa kanyang pagpapaseksi, aminado siyang noong nagbilad siya ng katawan ay na-shocked daw ang kanyang nanay na si Len Carillo dahil hindi niya ito ipinagpaalam.
Gayunpaman, dahil nasa edad na raw siya, naiintindihan daw naman ng kanyang ina ang kanyang ginawang desisyon.
Paliwanag pa niya, alam din daw kasi ng kanyang mga magulang kung ano ang kanyang limitasyon pagdating sa pagpapaseksi.
Flattered naman si Quinn dahil first time na makakatrabaho ang nagbabalik sa sirkulasyon na si Kit Thompson na bibigyang buhay ang papel ng confidante niya na may lihim na pagtingin sa kanya.
Bukod kay Kit, tampok din sa Showroom sina Rob Guinto, Emilio Garcia, Paolo Rivero, AJ Oteyza, Massimo Scofield, Mark Dionisio, Calvin Reyes at marami pang iba.