Advertisers
Pinaalalahanan ni Senator Christopher “Bong” Go ang gobyerno na unahin ang interes ng mamamayang Pilipino sa gitna ng mga panukalang joint energy exploration sa West Philippine Sea sa pagitan ng Pilipinas at China.
Matapos asistehan ang mga nasunugan sa Pasay City, iginiit ni Go na siya, sa prinsipyo, ay bukas sa nasabing panukala ngunit hindi dapat mailagay sa alanganin ang integridad ng teritoryo ng bansa at ito ay pakikinabangan ng Pilipino.
“Wala po akong tutol na magkaroon tayo ng joint exploration with China as long as hindi po apektado ang territorial integrity ng bansa in doing so, ibig sabihin unahin po natin ang interes ng mga kababayan natin,” anang senador.
“Kung ano po ang sa atin, atin. What is due to our country, due to our fellow Filipinos dapat ibigay po sa atin,” idiniin ni Go.
Ani Go, bukas siya sa nasabing panukala ngunit dapat makinabang ang mamamayang Pilipino at hindi talo ang bansa.
Ayon sa senador, nasa administrasyon na kung gusto nilang ipagpatuloy ang joint exploration sa Tsina.
Sa isang press briefing, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na pag-aaralan ng pambansang pamahalaan ang mga panukala para sa joint exploration sa pagitan ng bansa at Tsina.
Ito ay bilang tugon sa sinabi ni Liu Jianchao, isang dating embahador ng Tsina sa Pilipinas, na nagpahayag ng pag-asa na isasaalang-alang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang joint exploration.
Ipinahayag ng ministro ng Tsina ang kanyang pag-asa na ang diyalogo sa pagitan ng dalawang bansa ay magpapatuloy at ang parehong partido ay magpapakita ng ilang antas at angkop na kakayahang paganahin ang pagtutulungan.