Advertisers

Advertisers

BANGIS NG TULISAN

0 8,560

Advertisers

Mahirap tanggalin ang kinalakihan anuman ang kalagayan sa buhay. Walang pag-aalinlangan na makuha ang nais sa anumang paraan kahit sa kawalan ng nakararami. Hindi iisipin ang panlalamang sa halip nakatago ito sa serbisyo’t kapakanan ng bayan. Nariyan ang mga kasapakat na ang nais ang mapanatili ang kasalukuyang kaayusan, ang sarili kasama ang lahing manduduhagi sa kaban ng bayan. Batid na madaling maloko ang mga maraming bobong mamboboto na naniniwala sa mga manloloko mapa lokal man o pambansang halalan. Ang masakit, hindi nakikita na patuloy na lumalayo ang agwat ng kabuhayan sa mga halal na nilalapitan. O’ nabubulagan sa ganda ng sinasabi gayong hindi iniintindi ang sinasabi. Marami sa ating kababayan ang magaling at mahusay na kausap ngunit tila nabubugok kung naka pwesto ang kaharap. Nawawalan ng wisyo at panay ang oo kahit harapang kinukuha ang kabuhayan maging ang kinabukasan. Paano na Mang Juan ang kinabukasan ng kabataan at ng bayan kung patuloy na nananalig sa mapaglilong iilan na minsan nang pinatalsik sa Malacañang.

Sa pag-inog ng kapalaran ng bayan mahal, iilang pagkakataon na naging mapalad sa napusuan ngunit marami ang dusang dinanas dahil sa ‘di pag-iisip at pasya. Ang pag-una sa panandaliang pakinabang ang dahilan kung bakit nagpapatuloy ang panlililo ng iilan. Patuloy na pinapatungan ang mamamayan sa balikat upang makamit ang ambisyon yumaman. At patuloy ang pikit mata kong tatanggapin ang panlililo na dahilan ng pagbaba ng kabuhayan. Habang ang nakatuntong sa balikat ng bayan ang namumunini sa likas na dapat sa lahat. Hindi bumababa ang kapalaran ng mga halal ng bayan at patuloy ang paglago ng sariling kabuhayan gayun ang bayan ang lagapak ang kabuhayan. Samantala, walang pagdududa na ang bayarin inani ng iilan ang pasanin nina Mang Juan, Aling Marya at ng balana. Malinaw ang bahagi ng bayan sa laban ng iilan, ang magbayad sa pasasang nakamit ng buktot sa lipunan, magising ka na Bayan.

Sa totoo lang, madalas nagaganap ang maraming kasabihan na inuusal ng kasaysayan, nariyan na bumabalik ang kriminal sa lugar ng kaganapan. Ang kasabihang ito’y muling namalas sa pagbabalik ng mga taong lumustay ng yaman ng bayan sa nakaraan. Nariyan na muli ang magarbong piging kung saan ang mga pasimuno’y ang mga nagbabalik na kriminal na kahit may hatol na’y nasa laya at naiboto pa rin. Makikitaan na walang pagsisisi sa naganap sa nakaraan at nagpupunyagi na maibalik ang mga nakumpiskang yaman na pag-aari ng bayan. Walang pakundangan kung gamitin ang pera ng bayan lalo sa mga tinatawag na opisyal na pasyal. Dala kuno ang bayan ngunit sa totoo lang, nais lang maka jamming ang idolo o makapanood ng karerang ibig. Ngunit hindi binisita ang mga kababayang nalilo noong nakaraang halalan ng dumagundong ang malakas na bagyong tumama sa bansa. Galit pa ng hinanap.



Sa muling paghawak sa timon ng Balite ng Malacanan, nagparamdam at heto na muli at kailangan pakisamahan ng sino man upang makatikim ng ligaya sa buhay. Hindi magdadalawang isip na ingatan ang kakampi ngunit mag ingat kung kalaban dahil sa kangkungan ang pupuntahan. Nariyan ang halimbawa sa kasangga na nagdala ng boto, walang pasubali na may premyo at hindi nakanti ang maysalang kamag-anak. Ibinigay ang dapat na proteksyon kahit magkabalibali ang batas lalo sa taong malaki ang itinaya sa panahon ng halalan. Ano masasabi ni Bondying ng katarungan?

Sa paglipas ng ilang panahon nabatid na nasimot ang kaperahan ng bayan, hindi nagdalawang isip na mangutang ang pamahalaan ng mapagpanggap na si Boy Pektus ng $2.0B upang magamit kuno para pagalawin ang ekonomiya ng bansa. Sa paggalaw ng ekonomiya ng bansa, tila pailalim ang direksyon nito dahil hindi mapigilan ang tumataas na presyo ng mga bilihin na nagtali sa leeg ni Mang Juan na magpaabot ng hinaing. Hinahabol ni Mang Juan na may marating ang sahod na hindi na magkasya sa taas ng presyo ng pangunahing bilihin. At ang inutang ng pamahalaan na pampagalaw ng ekonomiya ang nagdagdag pabigat sa pasani’t nagpalubog sa kumunoy ng kahirapan. Batid ng mama ang bayarin na ‘di nakita ang nais na resulta. Ang masakit isinalang na dahilan ang panahon ng kapaskuhan sa pagtaas ng bilihin sa araw-araw.

Hindi natapos ang pagpupursige ng mga nagbabalik sa pedestal na mga tulisan. Sa isang maling pahayag kuno ng dating o minsan ng naging Comm. ng BIR hinggil sa bayarin ng mga ito, ayun sinipa sa kawalan ng tiwala. Sa pagkakasipa sa hepe ng BIR, tila nakaisip ang anak ni Boy Pektus na si Cong. Dragon Fruit at ang pinsan na SR ng Kongreso na lumikha ng pagkakaperahan sa ngalan ng isang batas na maglalaan ng P275B bilang Maharlika Wealth Fund. Ang pondong ito’y magmumula hindi sa babayarang P203B estate tax ng pamilya ni Boy Pektus kundi sa mga Government Financial Institutions, tulad ng LANDBank, SSS, GSIS at iba pa. Pondong naipon ng mga obrero mula sa pribado at sa pamahalaan na nagbahagi ng buwanang kontribusyon mula sa sahod para sa kinabukasan. Batid din ba ni Mang Juan na ang LANDBank ang pangunahing banko ng pamahalaan kung saan ang karamihan ng kaperahan ng gobyerno dito nakatago.

Sa totoo lang, hindi pa man nagpapalit ang taon mula ng mahalal si Boy Pektus sa pwesto, binabawi na nito ang mga perang binawi ng mga nagdaang administrasyon na napatunayan na salapi ng bayan. Walang inisip kundi paano maibabalik ang inaring pera ng bayan. Sa kagalingan ng mga awtor ng isang panukalang batas, ang Maharlika Wealth Fund na nasa ikatlong pagbasa, pinamumunuan ito ng nakaupong punong ehekutibo at tila walang pasanin kung malugi o mawala ang pondong ilalaan. Uulitin para kay Mang Juan ang panukalang batas na inihain ni Cong Dragon Fruit at SR ng kongreso. Lantad ang bangis sa pangangalap ng perang pansarili. Hindi na nagbayad nangongolekta pa ang mga tulisan. Kawawa si Mang Juan kundi kikilos, higit ang mga tulad mong obrero. Alam mo bakit, ito’y pasanin mo sa kinabukasan at baka walang magamit na toothbrush at toothpaste ang mga anak sa hinaharap.

Mabangis ang pagbabalik ng mga tulisan sa pwestong tangan subalit ang kilos Maharlika na ‘di ibig na bumaba ang nakababahala. Nariyan kuno ang mga magkatunggaling pahayag ng makita kung sino ang kampi at ang hindi. Inaalam ang likaw ng kalaban at kakampi upang maiwasan ang karanasan sa nakaraan. Subalit ang kababawan ng kaalaman ang malaking balakid upang maitaguyod ang pangmatagalang pakinabang. Salat sa husay na nangungumbida ng kawalan ng kapanatagan na ikasisira ng bayan. Walang isip-isip basta’t ang nais ang isusulong ano man ang kalabasan kahit pasan ng bayan. Tulad ng una, ipababalikat sa bayan ang lahat ng bayarin kahit sa makuba ang bayan sa kahirapan. Mabangis ang tulisang nakabalik sa pedestal dahil di ito napag-isipan ng 31M mamamayan na nalinlang ng panandaliang pangangailangan.

Isang Maligayang Kaarawan sa aking Panganay na Anakis!



Maraming Salamat po!!!

Leave A Reply

Your email address will not be published.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More