Advertisers

Advertisers

Survivors’ Day sa Davao City… PASKO NG CANCER PATIENTS PINASAYA NINA BONG GO, FPRRD

0 222

Advertisers

Dumalo sina Senator Christopher “Bong” Go at dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdiriwang ng Survivors’ Day sa SMX Convention Center sa Davao City upang bigyang-pugay ang katapangan at lakas ng lahat ng mga pasyente at survivors ng cancer.

Ang okasyon ay inorganisa ng House of Hope Foundation for Kids with Cancer.

Pinuri ni Go ang katatagan ng mga Filipino cancer patients at hinimok sila na huwag mawalan ng pag-asa habang sinisikap ng gobyerno na mapabuti ang mga serbisyo at suporta sa kanila.



“Malapit po sa puso namin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga batang tinamaan ng sakit na cancer. Nadudurog po ang puso namin,” sabi ni Go.

“Sa kabila nito, kami ay humahanga sa tapang at tatag ng mga batang ito pati na sa kanilang mga pamilya,” dagdag niya.



Inaasahan ng mga batang may cancer, survivors, at kanilang pamilya ang Survivors’ Day ng House of Hope Foundation kada taon dahil ito ay isang pagkakataon para sa kanila na magsaya at manalo ng mga premyo sa mga laro at makuha ang kanilang mga regalo para sa isang tradisyonal na pagdiriwang ng Pasko.

Sa pagdiriwang ngayong taon, namahagi ng mga regalo at tulong sa kabuuang 350 pasyente ng cancer sina Duterte at Go.



Ang pakikiramay ni Go sa mga pasyente ng cancer ay nagsimula noong siya pa ang Special Assistant to the President. Noong 2018, malaki ang naitulong ni Go sa pagpapagamot kay John Paul Culiao, isang batang may leukemia. Naging malapit si Go kay Culiao at ipinagdiwang pa ng senador ang ikaanim na kaarawan ni Culiao sa Philippine Children’s Medical Center noong 2019.

Muling pinagtibay ni Go ang kanyang pangako na susuportahan ang mga programa at hakbang upang makatulong sa pagpapagaan ng pasanin ng mga Pilipinong pasyente ng kanser at kanilang mga pamilya.

Tatlong taon na ang nakalilipas, nilagdaan naman ni dating Pangulong Duterte ang National Integrated Cancer Control Act o Republic Act No. 11215 noong 2019.

Tinitiyak ng NICCA ang pagkakaloob ng mga de-kalidad na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan at proteksyon sa mga pasyente ng kanser.

Itinatag din ng batas ang National Integrated Cancer Control Program na naglalayong pigilan ang mga pagkamatay mula sa cancer sa pamamagitan ng pagbibigay ng “affordable at accessible” na medikal na paggamot.

“Nakatutuwa po na sa simpleng paraan na ito na taun-taon po naming ginagawa ay nakapagbibigay tayo ng ngiti sa kabila ng kanilang pinagdaraanan,” ani Go.

Isa si Go sa mga mambabatas na aktibong nagsulong ng pondo na maisama ang Cancer Assistance Fund (CAF) sa 2022 budget ng gobyerno gayundin sa 2023 General Appropriations bill.

“Lagi akong kasama nyo sa paglaban sa sakit na ito. Sa katunayan, sa budget deliberations noong nakaraang taon, nag-push ako ng karagdagang budget para sa cancer assistance fund para ma-subsidize ang gastos ng cancer treatment, kasama na ang mga kinakailangang diagnostic at laboratory tests,” ayon sa senador.

Noong nakaraan, inihalimbawa ni Go ang Southern Philippines Medical Center sa Davao City na may sariling cancer at heart centers. Hinimok niya ang mga awtoridad na pag-aralan ang posibilidad na magtatag ng mga bagong specialty hospital sa iba’t ibang rehiyon at pahusayin ang mga pampublikong ospital upang magkaroon ng specialty hub na katulad ng mayroon ang SPMC.