Advertisers
IKINAGALAK at pinuri ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang walang humpay na kampanya ng mga elemento ng Quezon City Police District (QCPD) na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanilang No. 2 District Drug Priority Target at pagkakakumpiska ng Php 7,140,000.00 halaga ng hinihinalang iligal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa lungsod ng Quezon.
Batay sa ulat na natanggap ni NCRPO Regional Director PMGen Jonnel C Estomo mula kay QCPD District Director PBGen Nicolas D Torre III ay kinilala ang suspek na si Ian Torres, 37 anyos, residente ng Brgy., Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City.
Siya ay naaresto bandang 8:50 PM ng Pebrero 6, 2023 sa No. 351 Robina House Chicken Barbeque, FPJ Avenue, Brgy., Katipunan, Quezon City.
Ayon sa ulat, matagal nang nasa drug watchlist ang suspek na sinasabing palipat-lipat ng safehouse upang hindi matunton ng mga otoridad ang iligal na aktibidades nito partikular sa ‘kyusi’ at ilan pang karatig na lalawigan.
Sa tulong ng ‘intelligence report’ na nakarating sa tanggapan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ay agad na nagsagawa ng buy-bust operation ang magkasanib na operatiba ng DDEU at Masambong Police Station (PS 2) sa koordinasyon ng PDEA kung saan ay nagbunga ito nang pagkakadakip kay Torres at pagkakasamsam ng kabuuang 1.05 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php7,140,000.00, isang cellular phone, at ang buy-bust money na ginamit ng isang poseur buyer.
Isang reklamo para sa paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa laban sa suspek habang ang mga nakuhang ebidensya sa droga ay isasauli sa crime laboratory para sa kaukulang pagsusuri.
“Pinupuri ko ang mga elemento ng QCPD para sa kanilang walang patid na pagsisikap na maglunsad ng mga kampanya at operasyon na nakatuon sa pagsugpo sa paglaganap ng iligal na droga sa komunidad alinsunod sa kampanya ng BIDA ng DILG. Inaanyayahan ko ang lahat ng mga yunit na magpakita ng katulad na antas ng pangako na magbigay ng PAMBILANG pulis serbisyong MAKIKITA, MARAMDAMAN at PAHALAGAHAN ng ating mga tao.” sabi ni PMGen Estomo. (JOJO SADIWA)