Advertisers
NATUKOY na at napagkasunduan na ng mga opisyal ng Filipino at Amerikano ang apat na bagong Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites at malapit nang magsagawa ng pormal na anunsyo, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Miyerkules.
“We’ll make a formal announcement. But yes they have been identified and we can already – before I announce it, we will formalize it with our partners in the United States so that sabay-sabay…hindi natin i-prempt ‘yung kanilang pinaplano,” tugon ni Pangulong Marcos sa isang media interview matapos dumalo sa ika-26th Founding Anniversary ng Philippine Army sa Taguig City.
“So may apat na extra sites na nakakalat sa buong Pilipinas. Meron sa North, meron sa paligid ng Palawan, meron pa sa South. So iba-iba talaga,” binigyan diin ni PBBM.
Sinabi ng Commander-in-Chief na ang layunin ay ipagtanggol ang silangang baybayin ng bansa, kung saan isinaalang-alang din ang continental shelf ng Pilipinas sa silangang bahagi ng Luzon.
Tinanong ng mga mamamahayag kung nakipag-ugnayan siya sa mga opisyal ng local government units (LGUs) na tumututol sa pagkakaroon ng EDCA sites sa kanilang mga lokalidad, sinabi ng Pangulo na nakipag-usap siya sa mga opisyal na iyon at ipinaliwanag ang kahalagahan ng mga EDCA sites sa kanilang mga nasasakupan ng LGU.
“Yes, we explained to them why it was important that we have that and why it will actually be good for their province,” sinabi ng punong ehekutibo sa mga mamahayag.
“And mukha namang naintindihan nila because most of the – those who had interposed some objections are really right now, naintindihan naman nila and they come around to support the idea of an EDCA site in their province.”
Binigyan ng Pangulo noong nakaraang buwan ang mga tropang US ng access sa apat pang kampo ng militar ng Pilipinas, bukod pa sa limang kasalukuyang lokasyon sa ilalim ng EDCA.
Nakatakda ring idaos ng mga tropang Pilipino at Amerikano ang kanilang pinakamalaking ehersisyong militar sa susunod na buwan.
Inihayag ng Pentagon na ang Estados Unidos at Pilipinas ay sumang-ayon na suriin ang buong saklaw ng kanilang kooperasyong pandagat sa 2 + 2 na pulong sa Washington sa Abril. (Vanz Fernandez)