Advertisers

Advertisers

Ruffa Gutierrez talo sa kaso sa 2 dating kasambahay

0 210

Advertisers

Pinagbabayad ng Department of Labor and Employment (DOLE) si Ruffa Gutierrez nang manalo ang dalawang dati nitong kasambahay sa reklamong isinampa laban sa aktres.

Base sa Notice of Finality of Decision ng DOLE, nakasaad na kailangang bayaran ni Ruffa ng P13,299.92 ang dalawang maid, bukod pa rito ang mga hindi nabayarang sahod at pro-rated na 13th month pay.

Sa video message na ipinost ni dating Election Commissioner at P3PWD party-list nominee Rowena Guanzon, ipinabatid nitong nanalo ang dalawang kasambahay sa labor case na isinampa laban kay Ruffa.



“Sana maging leksyon ito sa mga amo na ituring naman pong tao na may damdamin ‘yung mga kasambahay ninyo. Sana po maayos na rin ito,” ani Guanzon.

“Nanawagan ako kay Ruffa Gutierrez na ayusin na nya ito, i-settle na niya dahil ang gusto lang naman ng mga kasambahay po ay makapagtrabaho ng maayos at ituring ng maayos. Kaya salamat po sa lahat ng tumulong,” sabi pa ni Guanzon sa video.



Sinabi na noon pang Setyembre 2022 lumabas ang desisyon tungkol sa pagkatalo sa kaso ni Ruffa.

Hindi naman na umapela ang kampo ni Ruffa tungkol sa naging desisyon tungkol sa kaso.



Matatandaan na inireklamo noon si Ruffa ng dalawang maid nang paalisin umano sila kahit halos dalawang Linggo pa lang silang naninilbihan sa aktres.

Dumepensa naman noon si Ruffa na hindi niya raw sinibak ang dalawang maid at sila raw ang gustong umalis.

Dahil walang pamasahe at mula pa sa Mindanao, hindi makauwi ang dalawang kasambahay at tumambay sa labas ng gate ng subdibisyon hanggang sa makita ng kaibigan ni Guanzon.

Tinulungan ni Guanzon ang dalawang kasambahay na magsampa ng kaso laban kay Ruffa.