Advertisers
DAHIL sa patuloy na pagtaas sa presyo ng gasolina sa bansa, isinusulong ngayon ng isang mambabatas ang isang panukala na magbibigay garantiya sa mga mangingisda para sa kanilang buwanang subsidiya ng gasolina sa pamamagitan ng fuel voucher na hindi bababa sa isang libong piso (P1,000.00) kada buwan.
Ayon kay AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee, sa ilalim ng House Bill No. 8007 o mas kilala sa tawag na “Pantawid Pambangka Act of 2023”, ang Department of Agriculture (DA) ay binibigyan ng mandato na siyang mangangasiwa ng monthly subsidy program kung saan ang presyo nito ay babaguhin kada taon depende sa inflation rate ng bansa.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority’s (PSA) Fisheries Situation Report for Major Species, mayroong kabuuang pagtaas sa produksyon ng pangingisda na aabot sa 4,339.89 thousand metric tons o 2.2% sa taong 2022 kumpara sa mga nakalipas na taon na mayroong output na 4,248.26 thousand metric tons.
Naitala ang pagtaas sa produksyon ng marine municipal fisheries at sa aquaculture, habang ang commercial at inland municipal fisheries naman ay iniulat na may mga setbacks sa kasalukuyang taon.
Ayon sa pag-aaral ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ang municipal and aquaculture sub-sectors ay nakapag ambag o contribute ng 73% bilang total production ng fisheries sector simula 2011 hanggang 2020.
Batay sa paunang pagtaya ng PSA sa 2021 poverty statistics, naitala rito na ang mga mangingisda ang siyang may pinakamataas na poverty incidence rate na uma-abot sa 26.2% sa taong 2018. (Henry Padilla)