Advertisers
BAGAMA’T isa lamang 3rd class municipality ay dinadayo ng mga bakasyunista ang bayan ng Lobo, ngunit dahil sa mga kaguluhang nagaganap sa mga pasugalang nailatag maging sa malapit sa municipal at barangay hall doon ay iniiwasan na itong destinasyon ng mga nagliliwaliw at adbenturerong lokal at dayuhang turista.
Ayon sa sumbong na nakarating sa SIKRETA hindi naii-blotter sa himpilan ng pulisya o sa barangay man ang halos gabi-gabing kaguluhan na nangyayari sa pergalan (perya at sugalan) na nailatag sa Lobo Old Public Market at sa Brgy. Lagadlarin ng naturang bayan.
Ilang metro lamang ang layo sa opisina ni Lobo Mayor Lota Manalo ang pergalan na ino-operate ng isang notorious na police scalawag at ng kasosyo nitong ex-convict, ngunit ang ipinagtataka ng mga residente ay kung papaanong nakapagpapasugal ang mga ito gayong ang permit na iniisyu sa mga ito ay Permit to Operate Mini-Carnival.
Kung totoong may permit ang mga operator na ito, sino naman kayang Poncio Pilato ang nagbigay sa kanila ng permiso?
Ngunit sa halip na entertainment na siyang karaniwang itinatampok sa tradisyunal na peryahan at kinagigiliwang pasyalan maging ng mga taga-liblib na barangay ng naturang bayan ay mga iligal at madadayang sugal na color games, beto-beto, drop ball, sky lab, didal, cara y cruz at iba pang uri ng bawal na table at card games ang halos 24/7 ang nag-ooperate doon.
Napaka-imposible namang hindi alam nina Lobo Police Chief Major Serafin T. Gapunuan at Mayora Manalo ang pagkakaroon doon ng pergalan na may isang buwan nang nag-ooperate doon ng madadayang pasugal, at ano naman kayang okasyon ang ipinagdiriwang kuno ng taga-Lobo?
Sumbong pa sa SIKRETA ng ilang barangay officials na sadya nating di pinangalanan ay paulit-ulit na senaryo na ang pagkakaroon ng mga pasugalan na tuwina ay sa government-owned lot na pinagtayuan ng Lobo Old Public Market inilalatag.
Anang mga naturang opisyales ng barangay isang kung tagurian ay “Little Mayor” ang kaututang dila ng operator ng pergalan at doon din ang mga ito nagbabayad ng renta sa lupaing pag-aari ng gobyerno.
Liban pa sa renta sa lupa ay may Php 1 milyon na halaga ng protection money na kinolekta ang “Little Mayor” para makapagpatakbo ang mga ito ng kung wawariin ay parang ligal na mga pasugalan, pagkat hindi naman ito kinakanti ni hepe at kagawad ng kapulisan ng Lobo.
Malamang kung tatanungin natin si Mayora Manalo at Maj. Gapunuan ay hindi ng mga ito kilala si “Little Mayor”?
Bukod sa pergalang ito sa dating Lobo Public Market ay may inooperate pang pasugalan sa kunyari ay peryahan na naipatayo sa tabi lamang ng barangay hall ng Lagadlarin.
Tulad ng nangyayari sa pergalan sa Lobo Old Public Market, halos gabi-gabi ring nagkakaroon doon ng kaguluhan dahil sa malimit na nabubuko ang pandaraya ng mga peryantes sa kanilang mga mananaya sa pasugal. At as usual, todo-pasa din dito sina Mayora at Major?
Resulta ng talamak na operasyon ng mga madadayang pasugalan na ginagamit pang bagsakan ng shabu, ay nagbabala ang isang grupo ng mountain climber sa kanilang mga miyembro at mga turista na huwag nang dumayo sa Lobo pagkat ang mabubungaran doon ay ang kaguluhan sa sangkaterbang mga pasugalan.
Noon lamang buwan ng August 2022 hanggang March 2023 ay nag-operate na din sa bayan ng Lobo ang madadayang pasugalan kaugnay ng pagdiriwang kuno ng Lobo Foundation Day at Pistang Bayan ng Lobo.
Umabot sa mahigit sa pitong buwan ang operasyon doon ng mga dayaang pasugal, ngunit halos wala pang isang buwang nababaklas ang mga kubol ng pasugalan sa Old Public Market ay muli na namang umarangkada ang labag sa batas na mga pasugal nito lamang bago magtapos ang buwan ng Marso.
Sa San Pablo City, Laguna sa tabi lamang ng Jollibee ay nag-ooperate ang isang permanente o puesto pijo na pasugalan na inooperate din ng isang pulis at ng kasosyo nitong drug pusher na ex-convict. Ngunit dedma lang ang lantarang iligal na pasugalang ito kay San Pablo City Police Chief LtCol. Jowie Lucas.
Halos mag-iisang lingo pa lamang ay nag-isyu ng direktiba si PNP Chief Benjamin Acorda Jr. na “No Take Policy” sa buong pwersa ng PNP sa bansa, ibig sabihin ay “totally stop” ang pangongolekta ng intelhencia, tongpats o protection money sa mga operator ng illegal vices.
Ngunit sa takbo ng kaganapan tila balewala ang direktibang ito ni PDG Acorda Jr. sa hanay ng ilang kapulisan sa PNP RD4-A sa ilalim ni PBGen. Carlito Gaces lalo na sa Batangas PNP na pinamumunuan ni Col. Pedro Soliba at Laguna PNP Provincial Director Col. Randy Glen Silvio.
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144