Advertisers
MABABA ang soil fertility sa mga sakahan sa bansa.
Ito ang inihayag ng Department of Agriculture (DA) na pinamumunuan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Dr. Karen Bautista, chief agriculturist ng Bureau of Soil and Water Management ng DA, ito ang dahilan kaya mahina rin ang ani ng mga magsasaka.
Sinabi ni Bautista na lalong bumabagsak ang kalidad ng lupa, batay na rin aniya sa isinagawa nilang national soil fertility mapping project kung saan lumilitaw na nasa 82 porsiyento ng mga sakahan sa bansa ay nagtataglay ng bahagyang mababa hanggang sa mababang antas ng soil fertility.
“Ten years ago, nasa…moderate levels of soil fertility iyong ating mga kalupaan. So, patuloy po na nadi-degrade, nagkakaroon po ng degradation over the years due to some unsustainable agricultural practices,” wika ni Bautista sa isang news forum.
Ang isa pang problema, ayon kay Bautista, ay ang mababang antas ng nutrients ng mga farmlands na dulot ng imported synthetic fertilizers gaya urea.
“So iyong ating mga lupa ay mababa ang contents ng mga major nutrients katulad ng nitrogen, phosphorus and potassium na nandoon sa mga kadalasan na ina-apply po natin – nagkakaroon tayo ng pag-aabono, iyong fertilization na tinatawag. Karamihan sa mga farmers po natin dependent doon sa inorganic fertilizers o synthetic fertilizers na imported,” paliwanag ni Bautista.
Kaya, ayon kay Bautista, inirerekomenda nila ang kombinasyon ng organic fertilizers at biofertilizers upang tumaas ang ani ng mga magsasaka. (GILBERT PERDEZ)