Advertisers
TAHIMIK na yata ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine National Police (PNP) laban sa online sabong na lantaran pang pino-promote ngayon sa social media. Nagkaayusan na ba, mga bosing?
Ang operasyon ng online sabong ay ipinatigil ni dating Pangulo “Digong” Duterte ilang buwan bago matapos ang kanyang termino noong 2022, makaraan ang sunud-sunod na pagkawala ng nasa 32 sabungero sa iba’t ibang lugar na pinagdadausan ng online sabong, partikular sa Manila Arena ni “AA”.
Nang maupo si Pangulong “Bongbong” Marcos Jr., nag-isyu siya ng Executive Order No. 9 noong Disyembre 28, 2022 para sa tuluyang pagpahinto sa e-sabong at tiyakin ng estado ang “paramount obligation to protect a public health and morals, and to promote public safety and general welfare.”
Inatasan din ni Pres. Marcos Jr. ang PAGCOR pati ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na ipasara lahat ng websites ng online sabong. Nangyari naman ito.
Pero simula nitong mga nakaraang linggo ay may mga nagpo-promote uli ng online sabong. May mga naghihikayat sa social media sa gusto maging master agent ng Sabong Worldwide.
Maging dito sa ongoing NBA Conference Finals, kungsaan napakaraming nagsasagawa ng live sa Facebook at nanghihingi ng “sponsor” sa pamamagitan ng paghulog sa kanilang GCash na nakalagay sa screen, ay pino-promote ang online sabong. May talpakan na raw! Buksan lang daw ang ganitong link. Bukod sa online sabong, may tayaan din sa ending para sa PBA games at NBA games.
Oo! Lantaran na ang mga iligal na sugal online. At marami na naman ang nagugumon dito.
Sa kabila nito, tahimik ang PAGCOR st DICT, hindi sinunod ang EO No. 9 ni PBBM. Naayos yata under the table ang mga bosing diyan?
Sino sa tingin ninyo ang napakatapang na nag-operate uli ng online sabong sa kabila na mismong si PBBM ang nagbawal nito? Hindi basta-bastang gambling lord ang nasa likod nito, mga pare’t mare. Sa mga tagong farm daw ginagawa ito!
Dapat gumawa ng hakbang ang Kongreso laban sa mga manlolokong online shops!
Oo! Napakarami nang naloloko sa online stores. Kung hindi pekeng items ang dini-deliver ay basura. Tapos kapag kinontak ang online store na inorderan ay hindi na ito makontak.
Ang mungkahi ko ay dapat magkaroon ng batas na gawing transparent, plastik, ang balot ng items para makikita ng umorder kung tama ang diniliber sa kanilang inorder.
Sa ngayon kasi ay black plastic o cartoon ang gamit na pambalot ng online stores. At bawal itong buksan hangga’t di nababayaran. Hindi mo rin kaagad maibabalik ‘pag natuklasan mong peke o basura ang diniliber sayo. Pero kung transparent ang balot ng inorder mo, makikita mio agad kung tama o peke ang diniliber sayo. Right? Paging Congress!!!