Advertisers
SINIGURO ng Commission on Elections (Comelec) na wala nang papayagang mga nuisance candidates sa mga susunod pang halalan.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia, ayaw ng komisyon na makakita pa ng mga nuisance candidates sa mga darating na halalan, dahil sa sila ang nagpapalito sa mga botante.
Ibinunyag ng opisyal ang modus na ginagawa ng mga kandidato na may pinapatakbo at binabayaran umanong mga kakilala upang maghain lamang ng kandidatura upang lituhin ang publiko o hatiin ang boto ng publiko.
Ayon kay Garcia, pipiliin na lamang ng Comelec ang kanilang isasama sa final ballot, at tatanggalin ang mga matutukoy na nuisance candidates upang hindi na mahirapan pa ang publiko.
Tiniyak pa ng opisyal na ang nasabing plano ay isasagawa na sa darating na BSK Elections sa buwan ng Oktubre.
Wala aniyang lugar ang mga nuisance candidates sa election process dahil binabahiran lamang nila ito, kaya’t mainam na pagbawalan na ang mga itong sumali sa sagradong pagpili ng mga bagong lider.