Advertisers
NAKUHA na ng House prosecution panel ang mga kopya ng bank at tax records na hiningi nito mula kay Vice President Sara Z. Duterte, sa kanyang asawang si Manases “Mans” Carpio, at sa kanilang mga kumpanya, na magbibigay-daan para sa masusing pagsusuri sa mga dokumento bago ilahad ang mga alegasyon ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
Ayon kay House prosecutor at Bicol Saro party-list Representative Terry Ridon nitong Huwebes, inilabas na ng Senate Impeachment Court sa prosecution panel ang mga rekord matapos matanggap at maisaayos ang mga dokumentong isinumite bilang tugon sa mga subpoena.
“Noong hapon ay binigyan na po ng kopya ang prosecution panel ng lahat ng bank information na hiningi mula po sa ating Pangalawang Pangulo, sa kanya pong asawa at sa kanilang mga kumpanya,” ani Ridon sa isang press conference sa House of Representatives.
“Binigyan na rin po ng kopya ng Senate Impeachment Court ang prosecution panel ng lahat po ng tax documents ng Pangalawang Pangulo, ng kanyang asawa, at ng kanilang mga kumpanya,” dagdag niya.
Noong Hulyo ipinagkaloob ng impeachment court ang kahilingan ng prosecution panel na makuha ang mga financial records.
Kasunod nito, nagsumite ang anim na bangko ng mga rekord na may kaugnayan kay Duterte at Carpio, habang ibinigay naman ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kanilang mga tax document.
Bago ilabas ang mga kopya, isinagawa muna ng korte ang inventory at security procedures para matiyak ang maayos na pangangalaga sa mga dokumento.
Si Ridon, na namumuno sa prosecution team na nakatalaga sa Article II, ang mangunguna sa pagsusuri sa mga rekord at paghahambing nito sa mga Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Duterte, gayundin sa kanyang idineklarang kita at mga interes sa negosyo.
“Sa mga susunod pong araw, pag-aaralan at bubusisiin po namin ang lahat po ng mga dokumentong ito,” ani Ridon.
Sa Article II ng impeachment complaint, inaakusahan si Duterte ng umano’y pag-iipon ng yaman na hindi tugma sa kanyang legal na kita, hindi ganap na pagsisiwalat ng kanyang mga ari-arian sa SALN, at pagpapatuloy ng mga interes sa negosyo habang nagsisilbing Vice President.
Itinanggi at kinuwestiyon naman ng kampo ni Duterte ang mga alegasyon.
Ayon kay Ridon, naghahanda na ang prosecution panel upang simulan ang paglalahad ng ebidensya para sa Article II sa kalagitnaan hanggang huling bahagi ng Setyembre, matapos inaasahang matapos ang kanilang presentasyon ng mga ebidensyang may kaugnayan sa confidential funds.
“Naghahanda na po kami para pagpasok ng gitna o hanggang dulo ng Setyembre, puwede na po kaming maglatag ng ebidensya sa Senate Impeachment Court,” ani Ridon.
Sinabi naman ni trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na sa susunod na yugto ay kailangang ipaliwanag ang pinagmulan at daloy ng perang saklaw ng mga alegasyon ng prosecution.
“Karapatan po nilang malaman kung ano iyong pinanggalingan ng pera at paano ginastos ang pera,” ani Adiong.
Ayon kay Ridon, susuriin muna ng prosecution panel ang mga rekord batay sa mga partikular na alegasyon sa Article II bago gamitin o iharap ang alinmang dokumento bilang ebidensya sa impeachment court.
“Pag-aaralan po namin ang lahat ng bank accounts at tax documents ni Vice President Sara Duterte, ng kanyang asawa at ng kanilang mga kumpanya, para makita natin kung magko-constitute ba ang mga ebidensyang ito para patunayan iyong mga alegasyon sa unexplained wealth article,” ani Ridon.
Inilarawan ni Ridon ang mga bagong inilabas na rekord bilang huling mahalagang bahagi ng ebidensyang kailangan ng prosecution team para sa Article II.
“Ito po iyong nagko-constitute ng last important pillar nung mga ebidensya na gagamitin para sa unexplained wealth article,” aniya