Advertisers
BUMUHOS ang mga luha sa isang lamay nang magbihis ng wedding gown ang isang babae na nakatakda sanang ikasal sa pumanaw niyang nobyo sa Guihulngan, Negros Oriental. Ang lalaki, namatay isang buwan bago ang nakatakda nilang pag-iisang dibdib.
Sa ulat, nagluluksa si Mary Jane Escribano sa pagpanaw ng kaniyang nobyo na si Jestoni Haincadto, 33 anyos, sa araw mismo ng kanilang ikalimang anibersaryo bilang magkarelasyon nang atakihin sa puso.
Doble ang sakit na naramdaman ni Mary Jane dahil isang buwan nalang nakatakda silang ikasal ni Jestoni.
Kahit pumanaw na si Jestoni, pinili ni Mary Jane na ituloy parin ang pagbabasbas sa kanila ng pari, isinuot niya ang kaniyang wedding gown isang araw bago ang libing ng kasintahan.
Isinagawa ng pari ang seremonya na ginagawa sa mga ikinakasal.
Nagpipigil ng kanilang emosyon ang bride at ang mga kaanak ng groom. Ngunit tuluyan nang bumuhos ang kanilang mga luha nang halikan ni Mary Jane ang ataul ni Jestoni.
Gayunman, hindi kinikilala ng Simbahang Katolika ang pagpapakasal ng isang buhay na tao sa patay, ngunit puwedeng ibigay sa kanila ang basbas ng pari.