Advertisers
TATLUMPU sa 45 estudyante sa Palma Perez Elementary School ang nakalabas na ng ospital nang malason ng “maruya” na kanilang kinain bilang miryenda sa North Cotabato nitong Lunes, Mayo 22.
Sinabi ni Dr. Jun Sotea, municipal health officer, hindi bababa sa 15 estudyante ang nanatili sa ospital para sa karagdagang obserbasyon.
“They were advised by doctors for confinement for more tests,” sabi ni Dr. Sotea tungkol sa mga mag-aaral na dinala sa isang lokal na ospital Lunes ng tanghali.
Batay sa kanilang inisyal na natuklasan, sinabi ni Sotea na ang nagtitinda malapit sa paaralan ay nagkamali sa paggamit ng “tawas” (potassium alum) sa halip na puting asukal.
Sa pagkonsumo, ang mga mag-aaral, na may edad 7 hanggang 12, nakaranas ng pananakit ng tiyan, pagsusuka, at pagkahilo.
Naniniwala si Barangay Palma Perez Chairman Edward Borromeo na hindi sinasadya ng vendor na naninirahan din sa kanilang barangay ang paglagay ng tawas sa halip na puting asukal dahil sa magkahawig sila sa butil at kulay.
Aniya, ang nagtitinda ay nagbebenta ng maruya at iba pang abot-kayang pagkain para sa mga mag-aaral sa nakalipas na 10 taon.